Angkas certification ID para sa mga mag-asawa at mag-partner, aprubado na sa Aparri, Cagayan

  • Maaari nang bumiyahe nang magkaangkas sa motor ang mga mag-asawa at mag-partner sa isang barangay sa Aparri, Cagayan
  • Naglabas na sila ng ID para sa mga mag-asawa bilang pahintulot sa pagbiyahe nila nang magkasama
  • Sigaw naman ng ilang mamamayan sa ibang lungsod at probinsya, sana raw ay may ganito rin sa lugar nila

Ngayong umiiral na ang general community quarantine (GCQ) sa maraming lugar sa bansa, mas maraming aktibidad na rin ang pahihintulutan, kabilang na ang paglabas ng ilang mga residente at pagbabalik sa trabaho ng mga manggagawa.

Puwede na rin ang mass transportation ngunit mahigpit pa ring ipinatutupad sa mga sasakyan ang social distancing. Pero para sa mga nakamotor, maraming biyahero ang nananawagan sa mga kinauukulan na pahintulutan ang pag-angkas lalo na sa mga mag-asawa at mag-partner.

Larawan mula sa Barangay Toran, Aparri, Cagayan

Napakinggan naman ng lokal na pamahalaan ng Aparri, Cagayan ang panawagang ito ng mga motorcycle drivers.

Sa isang Facebook post kasi, makikita na naglabas ng ID at certification ang pamunuang bayan para sa mga mag-asawa at living-in upang payagan silang magkaangkas sa motor.

Sa nasabing ID, parehong nakalagay ang picture at pangalan ng mag-asawa o mag-partner. Nakalagay din sa ID na sila ay mag-asawa o living-in couples na ipakikita nila sa mga checkpoints para hindi sila sitahin na magkaangkas.

Para naman sa pagiging authentic ng ID ay hindi magagaya, mayroong dry seal ng barangay ang inilabas na ID ng Barangay Toran. Nakasaad rin sa ID na valid ito hangga’t hindi nail-lift ng national government ang umiiral na GCQ.

Maraming mag-asawa at mag-partner na nagsasama sa iisang bubong ang matagal nang gusto silang pahintulutan na magkaangkas sa motor, lalo na’t madalang ang mga sasakyan ngayon. Pahirapan kasi para sa ilan ang paglabas para bumili ng supplies kung walang masasakyan.

Larawan mula sa PNA

Kaya naman malaking ginhawa na pinahihintulutan na sa Aparri ang pagbiyahe ng mga mag-asawa at mag-partner sa iisang motor. Magkasama naman daw kasi ang mga ito sa bahay at magkatabi pa sa higaan kaya dapat ay payagan nang magkaangkas sa motor.

Humihiling din ang mga mamamayan sa iba pang lugar na nasa ilalim ng GCQ at modified enhanced community quarantine (MECQ) na sana ay mag-issue rin ng ID para sa mga mag-asawa lalo na raw ngayong balik-trabaho na ang marami.

Loading…