Ano ang iyong hiling matapos mong maghulog ng barya sa fountain?

  • Sinariwa ng isang Facebook page ang akto ng paghiling sa pamamagitan ng paghuhulog ng barya sa fouintain
  • Marami sa mga netizens ang nagbahagi ng kanilang karanasan hinggil dito
  • Bukod sa paghuhulog ng barya sa fountain, marami pang mga akto ng paghiling ang ginagawa ng mga Pilipino na nakasalig sa pananampalataya

Minsan ka na rin bang naghulog ng barya sa fountain at humiling dito? Natupad naman ba ang hiling mo?

May paniniwala ang mga Pilipino, at maging iba pang mga lahi sa ibang bansa, na maaaring matupad ang iyong kahilingan o “wish” sa pamamagitan ng pag–usal nito sa isang barya, bago ito tuluyang ihagis sa fountain. Iyan ang sinariwa sa Facebook page na “Rant”.

Imahe mula sa Facebook page na Rant/Public Domain Image

Makikita ang isang lalaking hindi lamang naghagis ng isang barya sa fountain, kundi nagbuhos ng sangkatutak na barya. Ayon sa caption, hiling daw ng lalaki na humaba pa ang buhay ng kaniyang mga magulang. Marami naman sa mga netizens ang nakaugnay rito.

Sabi ng isa, “Hehehe, ganiyan din ako noong bata pa ako. Pero dahil wala namang fountain sa baryo namin, sa mga balon ako naghuhulog ng barya. Yung mga balon dati, nilulumot–lumot pa sa katandaan.”

“Hehehe, yes ginawa ko rin iyan noon. Wish ko sana magka–crush sa akin ang crush ko. Natupad ba? Oo. Asawa ko na siya ngayon,” patotoo naman ng isa.

Bukod sa fountain, isa pa sa pinaniniwalaan noon ang paghuhulog ng barya sa balon o well. Ang balon ay makalumang pinagkukuhanan ng tubig ng mga tao noon sa pamamagitan ng paghuhukay ng lupa. Kadalasan, dito sumasalok ng tubig ang mga tao para sa panlaba, panligo, panghugas ng mga pinagkainan, at iba pang mga gawaing–bahay.

Public Domain Image

Sa Baguio City kung saan naroon naman ang sikat na pasyalang “Mines View Park”, may bangin doon kung saan maaaring maghulog ng barya upang humiling. May mga batang Igorot naman na nag–uunahan sa pagdausdos sa matarik na bangin upang makuha lamang ang baryang ito.

Samantala, may mga naniniwala ring matutupad ang iyong kahilingan kung makakakita at masasaktuhan ang pagbagsak ng bulalakaw o meteorites mula sa kalawakan, sa pagsapit ng gabi. Ang iba naman, naniniwala sa pagkatok sa pinto ng simbahan, lalo na kung “first time” o unang beses na magtungo at magsimba rito.

Sa lahat ng ito, wala pa ring tatalo sa pananalangin sa Diyos at pagsasakatuparan sa iyong hiling sa pamamagitan ng paggawa. Sabi nga, “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”

Loading…