Apat na mega swabbing centers itatayo upang umabot sa 30,000 COVID-19 tests a day ang kapasidad ng bansa

  • Apat na malalaking swabbing centers itatatayo ng pamahalaan
  • Layon ng gobyerno na umabot sa 30,000 tests kada araw ang kapasidad ng bansa
  • Sinabi ni DILG Sec. Año na kapag umaabot na ng 30,000 a day ang testing capacity ng bansa ay hindi na kailangan ng lockdown

Magtatayo ang pamahalaan ng apat na malalaking swabbing centers – tatlo sa Metro Manila at isa sa Bulacan – sa susunod na linggo upang mapataas ang kapasidad ng bansa sa pagsasagawa ng massive COVID-19 testing.

Imahe mula sa PNA

Ang mega swabbing centers ay itatayo sa Philippine Sports Stadium na katabi ng Philippine Arena sa loob ng Ciudad de Victoria sa Bulacan; Mall of Asia Arena sa Pasay City; Enderun Tent sa McKinley Hill sa Taguig City at sa Palacio Tent sa Roxas Boulevard.

“Ang testing ay top priority ng ating Pangulo at ni Secretary Galvez at ng buong IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases). Kaya kailangan nating magtayo ng mega swabbing centers,” paliwanag ni Bases Conversion and Development Authority President at Chief Executive Officer Vince Dizon.

Ayon kay Dizon, 250 testing booths ang ilalagay sa apat na mega swabbing centers.

Sa tulong ng Department of Transportation, ihahatid ng mga bus ang mga taong isasailalim sa test. Ang nakolektang swab samples ay dadalhin naman sa mga COVID-19 testing laboratories.

“Through the help of the Department of Transportation, ‘yong mga kababayan natin ay dadalhin through buses dito sa mga mega swabbing center na ito para sila’y mai-swab at ipapadala ‘yong mga specimen nila sa ating mga testing labs,” ani Dizon.

Imahe mula sa Philippine Sports Stadium/Mall of Asia Arena

Ipinahayag ni National Task Force COVID-19  chief implementer na si Secretary Carlito Galvez na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang lahat ng probinsya ay masakop ng mass testing.

“Sa mga susunod na araw, iikot po kami sa Luzon, Visayas, at Mindanao para tignan ang pangangailangan ng ating mga kababayan,” aniya.

Inaasahan na sa unang bahagi ng operasyon ng mega swabbing centers ay aabot sa 10,000 kada araw ang kayang ma-test. Sa May 15 ay inaasahang aabot na sa 15,000 a day ang kapasidad at 30,000 tests kada araw naman ang inaasahan sa May 30.

Screenshot mula sa GMA video

Sinabi naman ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na kapag umabot na sa 30,000 a day ang testing capacity ng bansa ay maaaring hindi na magpatupad ng lockdown.

“Kapag dumating na tayo sa capacity na umaabot na tayo ng 30,000 a day, mas lalo nang hindi na natin kailangan ng lockdown sapagkat we can beat the virus faster instead of waiting for symptoms,” aniya.

Sabi niya nakatulong ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine upang mapabagal ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Imahe mula sa PCOO
Source :

Inquirer, PNA

Loading…