Aso kabilang sa listahan ng SAP beneficiaries sa Rizal

Imahe mula sa Unsplash
  • Pinag-uusapan ngayon sa social media ang isang ginang na hindi nakakuha ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program
  • Sa halip kasi na pangalan niya ay pangalan ng kaniyang aso ang naisama sa masterlist
  • Dumulog na si Nurharija Lim Rosqueta sa mga kawani ng barangay na nagsabing hindi nila alam kung paano nangyari ang pagkakamaling ito

Kahit umuulan ay nagtiyaga ang isang ginang sa Rodriguez, Rizal sa mahabang pila sa pagkuha ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) kaya naman gayon na lamang ang kaniyang panghihinayang nang umuwi siyang walang dala.

Imahe mula sa Twitter | Mark Makalalad

Sa halip kasi na pangalan niya ay pangalan ng kaniyang alagang aso ang napabilang sa listahan ng mga benepisyaryo.

Kuwento ni Nurharija Lim Rosqueta sa isang panayam sa GMA News, nagitla siya nang pangalan ng aso niyang si “Margarita” ang makita niya sa masterlist ng barangay sa ilalim ng address ng kaniyang tahanan.

Ipinakita niya rin sa GMA News ang pet and owner profile mula sa Philippine Animal Hospital Association na magpapatunay na hindi tao kundi aso si Margarita Lim Rosqueta.

Sinubukan namang magpakita ni Nurharija ng identification card sa mga kawani ng barangay upang patunayan na siya ang tinutukoy sa listahan ngunit bigo pa rin siyang makuha ang inaasahang ayuda.

Imahe mula sa Twitter | Mark Makalalad

Idinulog niya na ito sa mga kinauukulan sa kanilang barangay ngunit hindi nila maipaliwanag kung paano napabilang sa listahan ang isang aso.

Naging dahilan man ito upang magbiruan ang ilang netizens, lalo na iyong hindi nakatanggap ng SAP ay hiniling din nila na i-post online ang masterlist ng mga benepisyaryo nang sa gayon ay makita ng lahat kung sinu-sino ang mga benepisyaryo.

“Kaya nga DSWD for transparency, post the SAP beneficiaries per city, per barangay. Baka mamaya may mga pamilyang nailista pero hindi naman pala sila ang nakatanggap,” ani Vicky Ma.

Source :

Twitter, GMA News

Loading…