Babaeng online seller na naka-PNP field uniform tiklo sa checkpoint

  • Babaeng nagpanggap na pulis, nasabat sa isang checkpoint sa Laguna
  • Nakasuot ng PNP field uniform ang babae at nagpakilalang isang Lieutenant Colonel na naka-assign sa Camp Vicente Lim sa Calamba City
  • Inamin ng babae na online seller siya ng police uniform

Dinakip ng mga awtoridad na nakatalaga sa isang checkpoint sa Laguna ang isang babae na nakasuot ng field uniform ng Philippine National Police (PNP) at nagpakilalang isang police officer na may ranggong Lieutenant Colonel.

Imahe mula sa Magdalena PNP

Ayon kay P/Captain Ronalyn Larrosa, ang hepe ng Magdalena, Laguna PNP, walang maipakitang ID ang babae na kinilalang si Maricel Alcantara nang dumaan sa checkpoint. Ang tanging sinabi ng suspek ay naka-assign siya sa health service ng Camp Vicente Lim sa Calamba City.

Nang beripikahin ng Magdalena PNP ang pagkakakilanlan ni Alcantara ay nadiskubre na nagpapanggap lang pala itong isang pulis. Ang badge number na nakakabit sa suot na uniporme ay nakapangalan sa ibang police officer.

Nadiskubre rin ng mga awtoridad sa Facebook account ni Alcantara ang ilang larawan na nakasuot siya ng police uniform.

Hinala ni P/Capt. Larrosa, posibleng nagpapanggap na pulis si Alcantara upang malayang makalusot sa mga checkpoints.

“Para makapunta siya sa gusto niyang puntahan. So, magsusuot siya ng uniform at saka gagamit siya ng pagka-pulis niya,” ani P/Capt. Larrosa.

Imahe mula sa Magdalena PNP

Humingi ng tawad sa PNP si Alcantara na inaming isa siyang online seller ng police uniform.  Paliwanag niya, hinahanap niya sa Laguna ang nobyo niyang pulis na nang-iwan daw sa kanya at sa kanilang anak.

“Gusto ko lang mag-sorry sa PNP kasi single parent po ako, pulis po ‘yung tatay ng anak ko na nang-iwan sa amin,” sambit ni Alcantara.

Nahaharap siya sa kasong usurpation of authority at illegal use of uniform and insignia.

Imahe mula sa Magdalena PNP
Source :

ABS-CBN, YouTube

Loading…