Balik-tanaw: Jericho Rosales nagsimula ang showbiz career bilang ‘Mr. Pogi’ ng Eat Bulaga

  • Aktibo na rin sa social media ang mahusay na aktor na si Jericho “Echo” Rosales lalo na ngayong ipinatutupad ang community quarantine
  • May mga mala-TikTok short video si Echo sa kaniyang Facebook page na kinaaaliwan ng mga netizen
  • Ngunit paano nga ba nagsimula ang showbiz career ni Echo? Halina’t magbalik-tanaw tayo

May pakulo sa social media ang mag-asawang sina Jericho “Echo” Rosales at Kim Jones-Rosales—ang #GabiNaNaman.

Sa official Facebook page ni Jericho Rosales, may mga nakatutuwang short video ang aktor na mala-TikTok na kinaaaliwan ng mga netizens.

Siyempre, ang mga video ay may kaugnayan pa rin sa community quarantine. Sa mga payak na video, naipamamalas din ni Echo ang kaniyang husay sa pag-arte, sa pagsasayaw, at maging sa pagkanta.

Imahe mula sa official Facebook page ni Jericho Rosales

Pero paano nga ba nagsimula ang showbiz career ng aktor?

Siya lang naman ang tinaguriang “Charlie Sheen” ng Marikina noong 1996 nang maging isa siya sa mga contestants ng isa sa mga popular na segment ng noontime show na Eat Bulaga! — ang “Mr.Pogi.”

Sa isang YouTube video ng Eat Bulaga! para sa segment nilang “Kwentong Eat Bulaga” noong 2019, ipinagmalaki ni Echo na ang “Mr.Pogi” ang simula ng kaniyang karera sa showbiz.

“Kung hindi ako napasali do’n, hindi ko alam kung nasaan ako ngayon. Wala na akong ibang pipiliin pa kung papaano ko sisimulan ‘yung career ko,” pahayag ng aktor na grand finalist no.15 noong panahong iyon.

Aniya, may tumawag lang daw sa kaniya na nagpapa-audition at tinanong siya kung gusto niyang mag-audition.

Noong una, sinagot ito ni Echo ng “ayoko po” pero nahikayat din siya ng kaniyang best friend na sumali dahil wala silang pera. Manalo o matalo raw ay may premyo silang makukuha at iyon ang nasa isip niya at hindi ang kung ano ang mangyayari kapag sumali siya.

Sa naaalala ni Echo, apat na beses lamang siyang nakipag-compete para sa “Mr.Pogi.” Napapawi raw ang anumang pagod, kaba, at hirap ni Echo sa tuwing nananalo.

Samantala, bukod tangi raw ang kaniyang ngiti na tila abot hanggang langit nang matawag ang kaniyang pangalan bilang grand winner noon.

Inamin din ni Echo na ang trophy na natanggap niya mula sa Eat Bulaga! ang nasa harapan ng mga trophy na natanggap niya bilang artista.

Imahe mula sa YouTube

Malaki ang kaniyang pasasalamat hanggang ngayon na naging bahagi siya ng Eat Bulaga! na siyang nagpabago sa takbo ng kaniyang buhay.

Si Echo ay isa sa mga mahuhusay nating aktor na nagpakitang-gilas sa mga teleseryeng Pangako Sa ‘Yo, Sana’y Wala nang Wakas, Dahil May Isang Ikaw, Halik at marami pang iba.

Maaaring panoorin ang “Mr.Pogi” video ni Echo sa ibaba:

Loading…