Barangay kagawad na kumukuha ng kalahati ng SAP cash aid ng mga recipients, ipinakulong ni Pang. Duterte

  • Tiwaling barangay kagawad sa Bulacan, ipinakulong ni Pangulong Duterte
  • Hinihikayat ng kagawad ang mga SAP beneficiaries na pumayag na P3,000 lang ang ibibigay na ayuda sa halip na P6,500
  • Galit na minura ni Pangulong Duterte ang korap na barangay official sa kanyang public address

Dinampot ng mga awtoridad ang tiwaling kagawad ng Barangay San Agustin sa Hagonoy, Bulacan na nakunan ng video na hinihikayat ang mga beneficiaries ng Social Amelioration Program na pumayag na P3,000 lang ang ibibigay na ayuda sa halip na P6,500.

Screenshot mula sa Bulacan Provincial Police Office

Ayon kay Col. Roginald Francisco, Hagonoy police chief, dinampot nila si Danilo Flores, 66 anyos, noong Sabado, ika-2 ng Mayo, sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa video na kuha ng isang residente ng barangay, makikita at maririnig si kagawad Danilo Flores na pinapipirma sa isang papel ang mga tatanggap ng ayuda bilang katibayan na pumapayag sila na babawasan ng P3,500 ang matatanggap nila mula sa SAP.

Anang kagawad, ang kakaltasing P3,500 sa bawat benepisyaryo ay dadalhin sa bahay ng alkalde.

“Hindi alam…walang pakialam si kapitan dito. Kay mayor ito babalik…sa bahay nila,” maririnig sa video na sabi ni kagawad Danny Flores nang tanungin kung kay kapitan o  kay mayor mapupunta ang perang kinaltas.

Mariin namang itinanggi ni Mayor Raulito Manlapaz na may kinalaman siya sa iregularidad sa cash aid distribution.

Hindi rin umano ipinaliwanag kung saan dadalhin ang kinaltas mula sa ayuda. Maraming residente ng barangay ang pumayag na makaltasan kaysa walang matanggap na ayuda.

Screenshot mula sa video ni Lhon Villamayor Perez

Sa public address niya noong Lunes, ika-4 ng Mayo, galit na galit na pinangalanan ni Pangulong Duterte si kagawad Danilo Flores.

“Kagawad ka…kukunin mo pa ang pera ng mahirap,” ani Pres. Duterte.

Upang matigil ang ganitong katiwalian ay nag-alok si Pangulong Duterte ng P30,000 reward sa sinumang magsusumbong ng mga opisyal na gumagawa ng anomalya sa pamahahagi ng cash assistance mula sa pamahalaan.

Mapapanood sa mark 3:55 ng video ang galit na mensahe ni Pangulong Duterte kay kagawad Danilo Flores:

Loading…