Basurero nananawagan na maging responsable sa pagtatapon ng basura para hindi sila mahawaan ng COVID-19

  • Basurero nanawagan sa mamamayan na maging responsable sa pagtatapon ng basura
  • Ito’y dahil maaari rin silang mahawa ng COVID-19
  • Sabi ni Anthony Jumadiao, sana ay mapansin sila ng gobyerno at mabigyan ng magandang ayuda

Nananawagan ang basurerong si Anthony Jumadiao sa mga mamamayan na maging responsable sa pagtatapon ng kanilang basura lalo na ngayong mayroong COVID-19 dahil baka mahawaan sila.

Image capture of video by GMA Public Affairs via YouTube

Sabi ni Anthony sa “Frontliners: A Brigada Special Online Series,” ayon sa GMA News, lubos silang nababahala sa banta ng COVID-19 at hindi na rin mawari kung carrier na rin sila at maaaring mahawaan ang pamilya.

Kanila ring pinupulot ang mga nagkalat na basura sa kalsada at bahagi ng tubig at nakakapulot ng face mask na hindi nila sigurado kung kontaminado.

Aniya, minsan ay binubuhos na lang ng ilang mamamayan sa lapag ang kanilang basura na siya nilang hahakutin. Mas nais daw nila ‘yung nakalagay sa drum, timba o plastik.

Ipinagpapatuloy pa rin ni Anthony ang pagtatrabaho para makatulong sa bayan dahil isang araw na hindi sila maghahakot ay marami na ang basurang nakakalat na baka mas madulot ng malalang problema.

Batid umano niya noong nagsisimula pa lamang siya sa trabaho, pitong taon na ang nakalilipas, na may dalang panganib ang kanyang trabaho.

Subalit kailangan niya ang P537.00 na arawang sahod para sa kanyang pamilya at sa kagustuhang panatilihin ang kalinisan. Dating basurero rin umano ang kanyang magulang.

Para maproteksyunan ang sarili, palagian silang nagsusuot ng face mask, gloves at naghuhugas ng sabon. Kuwento niya, madaling nasisira ang kanilang gloves.

Dahil sa pagmamahal sa tungkulin, nakagawa si Anthony ng tula. “Real talk aking bitaw, walang halong pag-aangas, frontliner din kami na hindi uma-atras, basurero mong nilait dahil ‘yun ang totoo, tapak-tapakan at kutyain okey lang ‘yun,” bahagi nito.

Image capture of video by GMA Public Affairs via YouTube

Para sa mga nais tumulong kay Anthony, maaari siyang kontakin sa CP#s 09154798989 o 09518595311.

Aniya, sana ay mapansin din umano ng mga tao ang kanilang trabaho lalo na ang gobyerno para mabigyan ng magandang ayuda at pananggalang sa sakit.

Panoorin ang kabuuang bidyo na ini-upload ng GMA Public Affairs sa YouTube:

Source :

YouTube, GMA News

Loading…