Bawal lumabas: Aklat tungkol sa ‘Law of Classroom’ nahalukay ng mga netizens; tama raw pala si Kim Chiu

  • May isang aklat na magpapatunay daw na tama ang aktres na si Kim Chiu patungkol sa batas ng classroom
  • Ibinahagi ng isang netizen ang larawan ng pabalat ng aklat na Law of Classroom
  • Dahil sa aklat, napatunayan daw ng netizen na tama si Kim na sinang-ayunan naman ng maraming social media users

Naging kontrobersyal ang pahayag ng Kapamilya actress na si Kim Chiu tungkol sa pagtutulad niya ng batas sa loob ng classroom, sa batas na umiiral sa bansa. Dahil sa hindi malinaw na mensahe ng pahayag niya, naging instant meme ito sa social media.

Nanghingi rin naman ng paumanhin si Kim sa kanyang naging pahayag. Aniya, maging siya raw ay hindi naunawaan ang kanyang sinabi. Umalma rin si Kim sa mga patuloy na nangungutya sa kanya dahil sa kanyang naging malabong pagtutulad.

Larawan mula sa Facebook post ni John Patrick Pineda

Ito rin ang dahilan kung bakit nakahalungkat ng isang ‘mahalagang’ aklat ang miyembro ng isang Facebook group. Sa Narinig ko sa UP group, ibinahagi ng netizen na si John Patrick Pineda sa isang post ang isang libro na nagpapatunay na tama raw si Kim sa kanyang pag-aanalisa sa batas sa loob ng klase.

Ibinida ni John Patrick ang makapal na aklat tungkol sa Law of Classrom. Sabi niya, tama naman daw pala si Kim at dapat manghingi ng paumanhin ang mga tumatawa sa kanyang naging pahayag.

Ang komento naman ng iba, “pwede naman na palang lumabas” dahil mayroon naman talagang batas sa classroom, nakalagay pa sa aklat.

Isang uri ng aklat sa pagsulat ng legal forms ang ibinidang aklat na Law of Classroom. Nakasaad rito na bahagi ito ng isang edisyon ng Modern Philippine Legal Forms. Agad ring nag-trending ang post na ito ni John Patrick.

Habang isinusulat ang kuwentong ito, nagkamit na ang post ng higit 6,600 reactions na karamihan ay ‘haha’ at 2,000 comments. Kanya-kanyang comment naman ang mga netizens at panay tanong patungkol sa mga naging pahayag ni Kim.

Larawan mula sa YouTube

Ayon sa isang netizen, sa anong pahina raw ba mababasa ang tungkol sa batas kung saan “bawal lumabas” o “pwedeng lumabas” ang isang mag-aaral. Sabi naman ng ilan, dahil nakasaad sa pabalat ng aklat na volume 1, ilang volume daw ba talaga ang Law of Classroom.

Maliban sa Law of Classroom book, nauna nang kumalat sa social media ang iba’t ibang song cover ng Bawal Lumabas, ang bagong kantang sikat ngayon online na hango sa mga sinabi ni Kim tungkol sa batas sa classroom.

Loading…