‘Bawal Lumabas’ ni Kim Chiu, may full version na

Imahe mula sa Instagram at YouTube | Kim Chiu
  • Naglabas ng full version ng viral na “Bawal Lumabas” ang aktres na si Kim Chiu
  • Isinulat ni Adrian Crisanto, ang netizen na gumawa ng open letter para kay Kim, ang buong kanta
  • Si DJ Squammy na nasa likod ng trending na song version ng linya ni Kim naman ang naglapat ng beat para sa awiting ito

Isa na ngayong ganap na kanta ang trending na “Bawal Lumabas” ni Kim Chiu.

Imahe mula sa YouTube | Kim Chiu

Ito ay matapos na maglabas ng buong version nito si Kim sa kaniyang YouTube channel sa tulong nina DJ Squammy na naglagay ng beat sa kaniyang mga linya at Adrian Crisanto na may-akda ng open letter para kay Kim na humihimok sa aktres na tingnan ang pagiging viral niya bilang oportunidad.

Pag-amin ni Kim, noong unang makita ang inupload na video ni DJ Squammy ay nalungkot siya.

“Sabi ko, bakit nila pinaglaruan yung sinabi ko? Tapos nung nakita ko na yung videos sa TikTok na kahit mga pamangkin ko sumasayaw na sa beat na ginawa mo, sabi ko, shocks. At least sumaya pala yung mga tao dun sa ginawa ko, sa sinabi ko at saka sa beat na ginawa mo,” ani Kim.

Paliwanag naman ni DJ Squammy, bilang music producer ay nakitaan niya ng potensyal ang viral video ni Kim. “Sabi ko perfect to ah. Pag ito nilatagan ko ng solid na beat, magkaka-beat ‘to tapos mas ma-eemphasize pa yung meaning sa loob ng bawat phrase,” aniya.

Imahe mula sa YouTube | Kim Chiu

Samantala, ang netizen at songwriter naman na si Adrian ang bumuo sa mga titik ng kanta. Isa ang paglalabas ng full version ng awitin sa mga iminungkahi ni Adrian kay Kim sa kaniyang open letter.

“Ang daming naglipanang covers at remixes. But we’re still waiting for you to own it. You have Star Music. You have the best producers there. Release it on Spotify, iTunes. Radyo. YouTube. Gawa ka ng music video. Get millions of views,” payo ni Adrian.

Sa video ng full version ng “Bawal Lumabas” ay nag-compile din sila ng TikTok dance videos mula sa netizens.

“Salamat sa lahat ng nagbigay ng inspirasyon sa akin. Let’s spread love, kindness, and positivity. Good vibes lang ang pwede sa classroom! Tama? Tama!” sabi pa ni Kim.

Panoorin dito ang video:

Loading…