Bibili ng Lamborghini sa California: Batang lalaki nahuling nagmamaneho sa freeway sa Utah

  • Limang-taong-gulang na bata namataang nagmamaneho ng kotse sa superhighway
  • Nagulat ang Utah Highway Patrol trooper nang makitang bata ang driver ng kotse
  • Patungo umano ang bata sa California upang bumili ng kotseng Lamborghini

Inakala ng isang miyembro ng Utah Highway Patrol sa Utah, United States na lasing ang nagmamaneho ng kotse sa freeway dahil palipat-lipat ito ng linya na hindi gumagamit ng signal light at maya’t maya ay nagpe-preno.

Screenshot mula sa video ng Utah Highway Patrol

Tumatakbo umano ang kotse sa bilis na 30 miles per hour (mahigit 48 kilometers per hour) sa Interstate 15, ayon sa speedometer ni Utah Highway Patrol Trooper na si Rick Morgan.

“I can see a car, it was weaving badly back and forth between lanes,” ani Morgan.

Agad na pinatunog ni Morgan ang sirena ng patrol car at nagulat nga raw siya dahil agad na huminto ang sasakyan. Nang bumaba ang bintana ng sasakyan ay hindi niya alam ang iisipin sa kanyang nakita.

“When I get to the window and the window came down, I wasn’t quite sure what to think. It was pretty clear when the window came down that he was a young, very underage driver,” salaysay ni Morgan.

Ang driver ay limang taong gulang pa lang at patungo umano ito sa California para bumili ng sasakyang Lamborghini na nagkakahalaga ng $200,000. Ayaw raw siyang ibili ng mommy niya kaya siya na raw mismo ang bibili. Ipinakita ng batang hindi kinilala ang laman ng kanyang pitaka – three dollars.

Screenshot mula sa video ng Utah News

Agad na tinawagan ni Morgan ang mga magulang ng bata na nasa trabaho noong mga oras na iyon.

Batay sa pagtataya ay mahigit tatlong kilometro ang narating ng bata mula sa kanilang bahay. Ayon sa mga magulang nito, walang driving experience ang anak bago nangyari ang insidente.

Wala namang nasaktan sa pangyayari, ayon kay Morgan. Bahala na raw ang local prosecutor kung kakasuhan ang mga magulang na iniwan lang ang anak sa pangangalaga ng isang kapatid nito.

Screenshot mula sa video ng Utah Highway Patrol
Source :

YouTube, CNN

Loading…