Bida ang saya: Netizen na may plato at customer number ng Jollibee, nagka-fast food experience sa bahay nila

  • Ibinida ng isang netizen ang kanyang kakaibang fast food experience sa bahay
  • Mayroon kasi siyang plato ng Jollibee at order number sa lamesa na animo’y nasa fast food talaga
  • Biro pa niya, i-follow up niya raw ang order niyang peach mango pie para kumpleto ang fast food experience

Miss na miss na ng marami ang kumain sa kanilang paboritong restaurant o fast food. Dahil sa umiiral na community quarantine, bawal muna ang dine-in sa mga kainan sa labas at mga mall. Ang iba ring branches ng kilalang kainan ay sarado pa rin hanggang sa ngayon.

At dahil sa pangungulila ng netizens sa paborito nilang fast food resto, may ilan na dumidiskarte na lang para kahit papaano ay maranasan pa rin nila ang kumain sa mga ito. Ganito ang naging diskarte ng isang netizen na nasa bahay lang ngayon.

Larawan mula sa Facebook post ni Jon Magtibay

In-upload ng netizen na si Jon Magtibay ang larawan ng “pag-dine-in” niya ala Jollibee sa kanilang bahay. Dahil may naitabi pang customer order number at plato ng Jollibee sa kanila, nagpasiya siyang mag-feeling na nasa isang branch ng kilalang fast food.

Nilagyan niya ang plato ng sariling lutong spaghetti habang nasa tabi nito ang order number. Nilagyan niya rin tio ng caption na “pa-follow up naman po nung mango pie ko,” para buong-buo ang kanyang fast food experience.

Kitang-kita rin na nasa bahay lang si Jon dahil sa background ng larawan na kanilang sala. Makikita ang TV nila at maging ang hagdan ng kanilang second floor. Bumenta naman ang gimik na ito ni Jon sa kanyang Facebook friends.

Hindi na nakapagtataka na mayroong plato ng Jollibee ang ilang tahanang Pilipino. Matatandaang nag-trending din sa social media ang larawang in-upload ng netizen na tila mayroong collection ng plato mula sa mga sikat na fast food restaurant.

Larawan mula sa Twitter

Maliban sa mga plato, mayroon ding ilan na nagmamay-ari ng tinidor at kutsara ng fast food, lalagyan ng unli-rice ng Mang Inasal, mayroon pang nag-uwi ng mga lumang standee ng mascot ng kainan. Ang ilang nagtrabaho naman sa fast food ay ginawa na ring ‘pambahay’ ang kanilang uniform.

Ang kakaiba lang sa post ni Jon, maging ang order number ng fast food ay mayroon siya. Ito rin ang dahilan kung bakit mas ‘legit’ ang ginawang fast food experience ni Jon kumpara sa ibang nagtangka na gumawa nito.

Source :

Facebook, DF News

Loading…