Birthday celebration ng Pangasinan mayor, maraming nilabag sa quarantine protocols

  • Video ng birthday celebration ng mayor sa Pangasinan, viral sa social media
  • Katulad ng selebrasyon ng kaarawan ni NCRPO chief Sinas, maraming nilabag sa quarantine rules ang selebrasyon ng birthday ng alkalde
  • Maraming netizens na nakapanood ng video ang nadismaya sa walang pakundangang paglabag sa quarantine protocols ng mga opisyal ng gobyerno

Hindi pa man natatapos ang kontrobersya sa kaarawan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Debold Sinas dahil sa paglabag sa mga quarantine protocols, ay kumalat naman ang video at larawan ng birthday celebration ng isang alkalde sa Pangasinan na may mga paglabag din sa enhanced community quarantine (ECQ).

Screenshot mula sa video ng Vdd Konstrak NSupplies

Sa video na kumalat sa social media, makikita ang maraming tao at ilang pulis na nakasuot pa ng uniporme na dumalo at bumati sa kaarawan ni Sto. Tomas, Pangsinan  Mayor Timoteo “Dick” Villar III noong ika-6 ng Mayo.

Ang mismong anak ng alkalde na si town councilor Dickerson Villar ang nag-upload sa Facebook ng video at larawan ng mga kaganapan sa birthday ng ama. Tinanggal na ng konsehal ang mga video at larawan, subalit maraming netizens na ang nakakuha ng kopya ng mga ito bago pa naalis sa kanyang Facebook account.

Sa video, na si Konsehal Villar ang kumukuha, ay makikita ang maraming bisita at ilang pulis na nakasuot ng uniporme. Kinunan din ng  video ni konsehal ang sarili at mapapansin na wala itong suot na face mask.

Matapos hipan ng mayor ang kandila sa cake, maririnig na nagbiro ang isang pulis na tawagin umano ang hepe ng pulisya para ipakulong lahat ng mga taong naroroon.

Maririnig din ang boses  ni konsehal Villar na nagsabing “O, tulog tayong lahat sa kulungan. Hahaha. Dami nating nilabag… curfew, social distancing.”

Town Councilor Dickerson Villar/Screenshot mula sa video ng Vdd Konstrak NSupplies

Nang tumugtog ang banda at umawit ang babaeng singer ng “Happy Birthday,” makikitang isa-isang kinamayan ng alkalde ang mga bisita niya. Kapansin-pansin na walang suot na face mask ang alkalde.

Maraming netizens na nakapanood ng video ang nadismaya sa walang pakundangang paglabag sa quarantine protocols ng mga opisyal ng gobyerno.

 

Loading…