Buhos ng kaligayahan: Ano ang matamis mong alaala sa pagligo sa ulan noong iyong kabataan?

  • Isang masayang gawain ng mga bata noon ang maligo at maglaro sa ulan
  • Ito ang sinariwa ng mga netizen sa isang viral Facebook post habang may umiiral na ECQ
  • Ayon sa kanila, maraming alaala raw ang nanunumbalik sa tuwing makikita nila ang larawan ng mga batang masayang naliligo sa ulan

Gustong-gusto na ng marami sa atin ang makalabas ng bahay ngunit sa ilang bahagi ng bansa ay extended pa ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ). Marami tayong gustong gawing muli kaya naman panay ang dalangin ng maraming matapos na ang krisis na kinahaharap natin ngayon.

Lalong na-miss ng marami ang makalabas ng kanilang bahay nang magsimulang makaranas ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa sa pagpasok ng Mayo. Ayon sa ilang matandang paniniwala, ang unang ulan daw ng Mayo o agua de Mayo ay may dalang suwerte o nakapagpapagaling ng karamdaman.

Larawan mula sa Facebook post ni Harvey Acaso

Marami sa atin ang nais sanang makaligo sa ulan, lalo na ang mga bata. Ngunit hindi maaari sa ngayon bilang pag-iingat na rin sa C0VID-19. Kaya naman idinaan na lang sa pagbabalik-tanaw ng maraming netizens ang kanilang pananabik sa paglabas at paliligo sa ulan sa pamamagaitan ng isang Facebook post.

Ibinahagi ng netizen na si Harvey Acaso sa kanyang account ang larawan ng mga batang masayang naliligo sa ulan. Sabi ni Harvey, ang ganitong tagpo raw ay napakaganda lalo na ang paglalaro ng mga kabataan habang naliligo.

Ang mga matatanda na, naranasan din ang ganito noong musmos pa lamang sila. Kanya-kanya nga silang bahagi ng kanilang magagandang alaala sa paliligo sa malakas na buhos ng ulan. Maliban sa nakapapawi ito ng pakiramdam lalo na kung mainit ang panahon, ay masayang bonding din ito ng mga magkakapamilya at magkakalaro.

Maaari kasing maghabulan habang naliligo sa ulan o gumawa pa ng ibang laro. Masarap ding maglakad-lakad kasama ang barkada. Ang ilan nga, naghahanap pa ng mga alulod at ilang daanan ng tubig mula sa bubong na malakas ang ragasa ng tubig dahil instant shower daw.

Larawan mula sa Pexels

Pero sabi ng ilang social media users, kahit naman daw matanda na sila ay patuloy pa rin sila sa pagligo sa ulan. Lalo na raw noong nakaraang taon kung kailan nagkaroon ng suliranin sa suplay ng tubig. Presko raw ang pakiramdam nila na makaligo sa ulan dahil madalas noong walang tubig sa gripo.

Wala pang isang buong araw na naka-upload ang larawan sa account ni Harvey, umabot na ito ng 15,000 ang reactions na karamihan ay ‘l0ve’ at 72,000 shares. Wala raw magagawa ang marami ngayon kung hindi magtiis na lamang at hinataying bumuti ang lagay bago maranasang maligong muli sa ulan.

Loading…