Bulalas ng netizen: “Bakit pa tatawaging GCQ, ‘Survivor Philippines’ na lang”

  • Inihambing ng isang netizen ang GCQ sa isang reality competition show
  • May gumawa naman ng meme na ipinamagat ito sa isang horror movie
  • Ginawa ang GCQ upang maisalba ang ekonomiya ng bansa at hindi upang hikayatin ang lahat na lumabas sa kani–kanilang mga bahay at gumala na

Sa kabila ng mataas at tumataas pang kaso ng mga naitatalang kumpirmadong kaso ng COVID–19 sa bansa, nagpasya na ang pambansang pamahalaan, sa pagsang-ayon na rin ng mga mayor sa lokal na pamahalaan, na isailalim na ang Pambansang Punong Rehiyon o NCR sa General Community Quarantine o GCQ sa Hunyo 1, 2020.

Hati ang saloobin at opinyon dito ng mga netizens. Kaniya–kaniya silang latag ng mga argumento kung bakit dapat o kung bakit hindi pa dapat isailalim sa GCQ ang NCR. Subalit isang Facebook post ng isang netizen ang pumukaw sa atensyon ng lahat. Saad kasi niya, “Bakit pa tatawaging GCQ, puwede namang ‘Survivor Philippines’ na lang?”

Imahe mula sa Facebook account ni Zee Gee

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Hahaha, natawa ako. Sabagay, matira matibay ang labanan ngayon!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Sino naman ang magho–host niyan? Hahaha. Puwede bang si Harry Roque o kaya si Senator Bato Dela Rosa?”

“Benta sa akin ito hahaha. Oo nga naman. Parang ewan kasi. Kung kailan mataas ang kaso saka mag–GCQ. Oh ayaw na lang yata magbigay ng ayuda? Kasi sabi sa balita, walang matatanggap na ayuda kapag GCQ na.”

Samantala, kumakalat din sa social media ang isa namang poster kung saan ginawa itong pamagat ng “horror movie.” Ito ay ang GCQ: Survivor Philippines na ipalalabas na raw sa Hunyo 1, at ang direktor nito ay ang gumawa ng pelikulang “Quarantine” at “Lockdown.”

“Wear your mask and pray before leaving the house,” tagline umano ng naturang pelikula. Binigyan din nila ng ibang pagpapakahulugan ang akronim ng GCQ. Sa halip na General Community Quarantine, ito ay “Get Cremated Quickly.”

Imahe mula sa Facebook page na Stories and Secrets PH

Nilinaw naman ng pamahalaan na kaya inilagay sa GCQ ang NCR ay para iangat ang bumabagsak na ekonomiya ng bansa dahil sa pagtigil–trabaho at pagsasara ng mga negosyo. Hindi ito ginawa upang “maging malaya” sa paglabas, paggala, at pagtungo sa mga groceries at malls ang mga tao.

Kung kinakailangang lumabas para sa trabaho o bumili ng mga pangangailangan, nararapat lang na mas doble o triple ang gagawing pag-iingat sa sarili. Hindi kasi biro ang madapuan ng COVID–19. Bukod sa epekto nito sa kalusugan, tiyak na aaray din ang iyong bulsa lalo na kung wala kang ipon.

Ang binanggit na ‘Survivor Philippines’ ay Philippine version ng survival–themed reality competition show na “Survivor” na ipinalabas sa GMA Network noong 2008. Ang orihinal na host nito ay si Paolo Bediones mula 2008 hanggang 2009, at pinalitan naman siya ni Richard Gutierrez noong 2011 hanggang 2012 sa Season 2 nito.

Loading…