Buwanang pensyon para sa mga PWDs isinusulong ni Sen. Lito Lapid

  • Isinusulong ni Sen. Lito Lapid na bigyan ng buwanang pensyon ang mga indigent PWDs
  • Ipinanukala ng senador na mabigyan ng P2,000 social monthly pension ang mga qualified PWDs
  • Sa oras na maisabatas, sisiguruhin ng senador na malalagyan ng pondo ang programa upang mapakinabangan ng mga PWDs

Isinusulong ni Senator Lito Lapid na magkaroon ng buwanang pensyon ang mga persons with disability (PWDs) na walang permanenteng pinagkukunan ng kabuhayan o regular na suportang pinansyal para sa pangunahin nilang pangangailangan mula sa mga kaanak.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Lito Lapid

Sa paghain niya ng Senate Bill No. 1506, sinabi ni Sen. Lapid na naniniwala siya na ang mga PWDs na isa sa mga vulnerable sector ng lipunan ay dapat bigyan ng prayoridad ng gobyerno sa social services programs nito lalo na sa panahon ngayon na nahaharap ang bansa sa COVID-19 crisis.

“Malaking bagay na may dagdag tulong pinansyal ang ating gobyerno sa mga kapatid nating may kapansanan at walang regular na pinagkukunan ng kita. Inaasahan nating gagamitin ang ayudang ito para ipambili ng kanilang pagkain at gamot kada buwan,” ani Sen. Lapid.

Sa ilalim ng kanyang panukala, ang lahat ng mga mahihirap na PWDs, na beripikado at sertipikado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng National Council on Disability Affairs (NDCA), ay tatanggap ng monthly pension na nagkakahalaga ng P2,000.

Batay sa panukala, maglalaan ng inisyal na dalawang bilyong piso para sa unang taon ng operasyon nito na isasama sa annual General Appropriations Act.

Imahe mula sa NCDA

“Sisiguraduhin din natin na maglalagay ng sapat na pondo ang Kongreso para mapatupad ng maayos at mabilis ang programang ito oras na maisabatas na ito,” saad pa ng senador.

Inaatasan sa ilalim ng panukala na ang DSWD at ang NCDA ang magbubuo ng database ng mga indigent PWDs. Ang naturang database ay regular na ia-update para sa comprehensive at accurate na impormasyon.

Loading…