Cafe sa Germany, ipinapagamit ang pool noodles sa customers para sa social distancing

  • May kakaiba at nakatutuwang paraan ang isang cafe sa Germany kung paano mapananatili ang social distancing ng kanilang mga customers
  • Binigyan nila ang mga customers ng pool noodles o straw hat na ilalagay nila sa kanilang mga ulo upang mapanatili ang wastong agwat sa isa’t isa
  • Inalis na ang mga restrictions kaugnay ng COVID19 sa naturang bansa dahil nalagpasan na umano ang first wave ng pandemya

Sa pag–aalis ng Enhanced Community Quarantine sa ilang mga lugar, at pagsasailalim ng mga ito sa General Community Quarantine o kaya naman sa Modified Enhanced Community Quarantine, malaking tanong ngayon kung masusunod ba ang ipinatutupad na social o physical distancing, lalo na’t may pagka–”pasaway” ang ilan.

Sa muling pagbubukas ng isang cafe sa bansang Germany matapos ang lockdown, idinaan nila sa pamimigay ng “pool noodles” na inilalagay sa ulo ng mg customers ang kanilang pag–iingat at pagsunod sa social distancing.

Imahe mula sa CNN

Ipinasya ng mga may–ari ng  Cafe Rothe sa Schwerin, isang maliit na bayan sa Mecklenburg-Western Pomerania ng Germany,  na buksan na sa publiko ang kanilang cafe para sa kanilang mga customers na nananabik nang makalabas matapos alisin ang mga restrictions kaugnay ng COVID–19.

Maliban sa pamimigay ng straw hats o pool noodles, ipinaaalala rin ng mga staff ng cafe ang  “Keep the social distance.” Mas nakaaaliw nga naman daw ito kaysa sa paglalagay ng mga tanda o markings sa sahig.

Ayon sa panayam sa mga may–ari nito, noong wala pang pandemya ay naglalaan sila ng 36 na mesa sa loob ng kanilang cafe, at 20 naman sa labas, lalo na kung walang ulan. Subalit bilang pagtalima sa social distancing,
12 na lamang ang nasa loob at 8 naman sa labas.

Hindi naman daw tuluyang nagsara ang kanilang cafe noong panahon ng lockdown. Katulad sa Pilipinas, “take out” orders lamang ang kanilang pinayagan at bawal ang pagkain sa loob nito.

Kamakailan lamang ay inalis na ang restrictions kaugynay ng COVID–19 sa bansang Germany alinsunod na rin kay Chancellor Angela Merkel, dahil nalagpasan na umano nila ang first wave ng pandemya. Sa kabilang banda, nagbigay–babala pa rin ang pamahalaan sa kanilang mga mamamayan na maging maingat pa rin upang hindi na maranasan ang wave two nito.

Public Domain Image

Batay sa huli at updated na tala ng Johns Hopkins University, umabot sa higit 174,400 ang kaso ng coronavirus sa Germany, at 7,884 dito ang humantong sa kamatayan.

Sa Pilipinas kaya, uubra ba ang ganito? Ano kayang gimik ang maiisip ng mga cafe, restaurants, at fast food chains upang mapanatili ang pagtalima sa social distancing ng kanilang mga customers?

Loading…