Chicha ng kabataan: Naging paborito mo rin ba ang abot-kayang chichiryang ‘Clover Bits?’

  • Isa sa mga pinakasikat na chichirya noon ay abot-kayang ‘Clover Bits’
  • Ito ay ang mas murang bersiyon ng sikat na chichirya ding ‘Clover Chips’
  • Sinariwa ng kabataan noon kung paano sila binusog ng tigpi-pisong snack na ito

Isa sa mga pinakamabisang paraan upang balikan ang masasayang alaala ng kabataan ay sa pamamagitan ng mga paborito nating pagkain noon. Ang ilan kasing pagkain ay nakasanayan nating kainin noong bata, at medyo nalimot na o hindi na masyadong nabibili o madalang nang mahanap panahon ngayon.

Pero suwerte ka kung mayroon pa ng paborito mong childhood snack sa mga tindahan ngayon dahil maaari mo pang balikan ang masarap mong kabataan. Kabilang sa mga ito ay ang isa sa pinakminahal na chichirya ng mga bata noon, ang ‘Clover Bits.’

Larawan mula sa post ni Marrion Cordero sa FB group na We Are 90’s

Sinasabing ito ang mas murang bersiyon ng sikat ding ‘Clover Chips.’ Dahil mas maliliit ang bawat piraso ng chichiryang ito at nakalagay din sa mas maliit na pekete, mas mura itong nabibili sa mga sari-sari store sa halagang piso. Swak para sa mga may cravings sa Clover noon pero hindi sapat ang pera.

Binalikan ng mga batang 90s at 2000s ang paborito nilang Clover Bits sa isang Facebook post. Sa grupong We Are 90’s, nagbalik-tanaw ang mga batang binusog ng tigpi-pisong chichiryang ito. Ayon sa ilang nagkokomento, ito raw ang lagi nilang binibili kapag recess o break time sa school.

Sa iba naman, ito ang karagdagang binibili nila kapag nauutusan ng kanilang nanay na bumili sa tindahan. Minsan nga lang daw ay bitin ang isang pakete kaya naman kailangan ay makabili pa silang muli ng isa pa.

“Mga ka-2k, for sure naging part ito ng kabataan n’yo hahaha,” pahayag ni Marrion Cordero sa kanyang post sa nasabing group. Dumagsa naman ang reply at hindi siya nagkamaling naging paborito nga ito ng marami niyang ka-edad.

Larawan mula sa Twitter

May ilang netizens na hindi alam kung mayroon pa bang tindang Clover Bits sa mga tindahan ngayon. Ang ilan namang nakakabili pa rin, agad na ibinahaging may nagtitinda pa rin nito sa mga grocery at sari-sari stores.

Naglabas na rin ang manufacturer ng Clover Bits ng isa pang bersiyon kung nasaan nasa mas malaking pekete na ang chichirya at mas mae-enjoy ng mga batang may malaking budget o mga kabataan noon na nais mabalikan ang kanilang kamusmusan.

Ikaw, naging paborito mo rin ba ang Clover Bits?

Loading…