Cloud formation na animo’y malaking ibon, nakuhanan ng larawan ng isang netizen sa Quezon City

  • Trending ngayon sa social media ang larawan ng ulap na animo’y malaking ibon
  • Nakuhanan ito ng isang netizen sa Quezon City bago lumubog ang araw
  • Kanya-kanya namang pakahulugan ang mga netizen sa cloud formation na ito

Sa panahong nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang bansa, maraming pagkakataon na tila ipinamamalas ng kalikasan sa lahat ang ganda nito kung makapapahinga sa polusyong hatid ng aktibidad ng mga tao.

Kamakailan ay napaulat ang pagkakakita ng mga netizen sa malalayong tanawin mula sa Kamaynilaan tulad ng Dambana ng Kagitingan sa Tarlac at ang wind mills sa Rizal na nag-trending sa social media. Mayroon ding double rainbow na nakita sa Nueva Ecija.

Larawan mula kay Aldrin Lasutan Pabas via Earth Shaker

Ngayon naman, isang nakamamanghang cloud formation ang nakita sa kalangitan sa may Quezon City. Nakuhanan ng larawan ni Aldrin Lasutan Pabas ang malaking kumpol ng ulap na animo’y isang napakalaking ibon na lumilipad sa langit.

Nakadagdag pa sa ganda ng larawan ang background nito na nag-aagawan na liwanag at dilim. Magtatakip-silim na kasi nang makuhanan ito ni Aldrin na nasa bandang 6:30 daw noong Mayo 13. Ang uploader na si Aldrin ay member ng sikat na Facebook page ngayon tungkol sa Science na pinatatakbo ng mga Pilipino na Earth Shaker.

Sa nasabing page din unang ibinahagi ang larawan kung saan nagkamit ito agad ng libo-libong reactions mula sa mga netizen. Ni-reupload rin ito ng GMA News kung saan nakakuha ang post ng higit 70,000 reactions.

Maraming netizens din ang namangha sa larawan. Kanya-kanya rin silang pakahulugan sa imaheng ito na nabuo sa kalangitan. Pero marami ang nagkakasundo na ito raw ay isang paraan ng langit upang ipakita sa lahat na may mga magagandang bagay pa ring nangyayari sa mundo sa kabila ng krisis.

Larawan mula kay Aldrin Lasutan Pabas via Earth Shaker

“I appreciate people who notice some extraordinary scenery. They l0ve God’s creation and nature. For me this bird’s sign in the cloud symbolizes of an eagle flying high in the sky,” pahayag ng isang social media user.

Ang mga fans naman ng sikat na foreign series na Game of Thrones, sinabing para daw itong dragon sa paborito nilang serye. Ang ilan naman ay napakanta ng mga unang linya ng sikat na awitin ng Kamikazee na Narda.

Loading…