COVID-19 lalong nagpatatag sa pananampalataya at pagmamahalan nina Christopher de Leon at Sandy Andolong

  • Isa ang premyadong aktor na si Christopher “Boyet” de Leon sa mga Pilipinong nagkaroon ng COVID-19
  • Naniniwala si Boyet at ang kaniyang asawang si Sandy Andolong na may dahilan ang Diyos kung bakit nagpositibo ang aktor sa sakit
  • Naniniwala sila na ginamit siyang instrumento ng Diyos para makapag-donate ng plasma

Kung may magandang naidulot ang COVID-19 kina Christopher “Boyet” de Leon at Sandy Andolong, iyon ay ang lalo pa nitong napagtibay ang kanilang pananampalataya sa Diyos at ang katatagan ng kanilang pagmamahalan.

Sa isang panayam ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), sinabi ng premyadong aktor na malaki pa rin ang kaniyang pasasalamat dahil wala sa kaniyang pamilya ang nahawaan, lalo na ang kaniyang misis. Hindi rin siya nakaranas ng matitinding epekto ng sakit.

Imahe mula sa Isntagram account ni Sandy Andolong-de Leon

Halos oras-oras na nagdarasal si Boyet habang nasa ospital. Nanonood din umano siya ng mga video o programa na makatutulong sa pagpapalakas ng kaniyang espiritwal na pagkatao.

Si Sandy naman ay gabi-gabi ring nagdarasal upang mapabuti ang kalagayan ni Boyet. Naniniwala rin siya na may plano ang Diyos kaya dumanas ng ganoon ang mister.

Makalipas lamang ang pitong araw, nagnegatibo na si Boyet at sinabihan na itong maaari na siyang umuwi. Pero nanatili pa ring naka-quarantine ang mag-asawa sa kanilang bahay.

Naniniwala rin ang mag-asawa na ang pagkakagaling ni Boyet ay dahil sa espiritwal na kagalingan.

“Yes! The reason I was healed is because it’s not of my strength. It is all the strength of our Almighty God Who’s giving it to me,” pahayag ni Boyet.

On-call din si Boyet kung kailangan pa niyang mag-donate ng plasma.

Imahe mula sa Isntagram account ni Sandy Andolong-de Leon

“Baka ito iyong calling na kaya siguro ako nagkaroon ng ganito, para makapag-donate ako,” paliwanag pa ng aktor.

Sina Boyet at Sandy na 40 taon nang nagsasama ay ikinasal noong Marso 27, 1980.

Maaaring panoorin sa ibaba ang panayam ng KMJS sa mag-asawa:

 

Source :

YouTube

Loading…