Customer hanga sa rider na nakangiti pang nag-deliver kahit mataas na ang tubig sa kanilang lugar

Imahe mula sa Facebook | Carlo Puri
  • Labis ang paghanga ng isang customer sa naging delivery rider niya dahil kahit mataas na pala ang tubig sa kanilang lugar ay naihatid pa rin nito ang kaniyang order
  • Lalo pa siyang napabilib dahil wala siyang narinig na reklamo mula rito at nakangiti pa nang iabot ang kaniyang order
  • Umaasa siyang muli silang magkikita ng rider dahil hindi niya na nagawang tanungin ang pangalan nito

How do you respond to an unexpected act of kindness?

Ganito ang naiwang tanong sa mag-asawang naging customer ng isang pursigidong delivery rider.

Imahe mula sa Facebook | Carlo Puri

Kuwento ni Carlo Puri sa isang Facebook post, maulan nang mag-order sila ng pagkain sa Foodpanda kaya naman laking gulat nila nang maya maya ay may nag-doorbell sa kanilang tahanan. Paglabas niya, doon lamang niya nalaman na mataas na pala ang baha sa kalsada.

Baha na pala nang ‘di namin namamalayan at doon naglakad si Kuyang @foodpanda nang naka-tsinelas na! Na-stress talaga ako sa nakita ko,” pagbabahagi ni Carlo.

Hindi niya raw naiwasang humanga sa rider dahil hindi man lamang ito nagreklamo at nakangiti pa nang iabot sa kanila ang pagkain. Naka-full gear din ito suot ang kapote, helmet, at face mask.

“Grabe ‘tong si Kuya. Para lang ma-deliver ang pagkaing inorder namin, sinuong ang baha para sa amin. Na-shock ang mundo ko!” aniya. “Customer lang naman kami; pagkain lang naman ito, pero para kay Kuya, serbisyo at dedikasyon.”

Hindi na raw niya nagawang tanungin ang pangalan ng rider dahil sa taranta ngunit umaasa siyang makararating dito ang kaniyang post. “My salute and highest respect to this frontliner,” aniya.

Umaasa rin siyang magkikita sila mula ng rider na ito. “Sana  magkita pa tayong muli, Kuyang Foodpanda. Mag-oorder kami uli hanggang sa makita ka namin,” aniya pa. “Kayo guys? How do you respond to an unexpected act of kindness?”

Kudos sa lahat ng mga delivery rider na sinusuong hindi lamang ang baha kundi ang panganib ng COVID-19 upang bilhin ang ating mga pangangailangan!

Source :

Facebook

Loading…