Cynthia Villar nag-trending dahil sa paghahanap sa staff na si Dianne habang nasa gitna ng online senate session

  • Nag-trending si Senador Cynthia Villar matapos makalimutang i-mute ang mic sa teleconference ng Senado
  • Sa isang online session, hinanap kasi ni Villar ang staff na si Dianne habang may ibang senador na nagsasalita
  • Usap-usapan tuloy ngayon sa social media kung sino ba si Dianne na staff ni Villar

Dahil sa pandemic, maraming trabaho ngayon ang ginagawa sa pamamagitan lamang ng teleconferencing o video chat. Kabilang sa mga ito ay ang trabaho ng mga politiko. Ngunit hindi maiiwasan ang mga aberya at nakatatawang eksena dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari habang naka-online chat.

Kabilang sa mga nabiktima ng online blooper ang senador na si Cynthia Villar. Trending ang senadora dahil sa gitna ng online session nilang mga senador, sandaling naantala ang pagsasalita ni Senator Miguel Zubiri nang biglang magsalita si Villar.

Larawan mula sa Facebook video ni Earl John Pelaez Pascual

Hindi niya na-mute ang kanyang microphone sa app kaya naman narinig ng lahat ang paghahanap ni Villar sa kanyang staff na si Dianne. Hinahanap niya si Dianne dahil mayroon siyang katanungan tungkol sa kanilang paksa sa senado.

“Oh, anong sagot dito, Dianne? Dianne! Dianne!” paghahanap ni Villar sa kanyang staff na narinig ng mga kasamahang senador.

Dahil dito, pansamantalang naantala ang session dahil sa pagkaaliw sa eksenang ito ni Villar at ng kanyang staff na si Dianne. Natawa ang ilang senador kabilang sina Zubiri at Sonny Angara. Nagbiro pa ito na dapat daw ay makita nila itong si Dianne sa kanilang session.

“I moved that Dianne may be recognized, Mr. President,” biro ni Angara na nagdulot ng panibagong tawanan sa mga dumalong senador sa online session.

Larawan mula sa Facebook video ni Earl John Pelaez Pascual

Nanghingi naman ng paumanhin si Villar dahil sa pagkaantala ng session dahil sa pagkalimot niyang mai-mute ang kanyang app. Nagpatuloy naman ang session ng mga senador.

Dahil dito, instant celebrity si Dianne kahit hindi nakikita ng mga netizens. Maraming social media users ang pinagkatuwaan ang pagkakamaling ito ni Villar. Kumakalat na rin sa Facebook ang video clip ng paghahanap ni Villar kay Dianne.

Panoorin ang paghahanap ni Villar kay Dianne:

Loading…