Dahil ayaw umasa sa iba: Amang nakatira sa tricycle nangangalakal para may ipakain sa pamilya

Imahe mula sa GMA News | Bernadette Reyes
  • Sa tricycle pansamantalang naninirahan ngayon ang pamilya ni Mang Joel dahil hindi na sila makabayad sa kanilang inuupahan
  • Upang makabili ng pagkain para sa pamilya ay namumulot siya ng mga karton at saka ibenebenta sa junk shop dahil hindi niya raw kayang mamalimos
  • Dahil sa sipag at diskarte ay hinangaan siya ng netizens

Dahil sa limitadong oportunidad ngayong may umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) ay hindi na kinayang magbayad ng upa ng isang pamilya sa Divisoria kaya napagdesisyunan nilang sa tricycle na lang muna tumira.

Imahe mula sa GMA News | Bernadette Reyes

Nagtatrabaho ang padre de pamilya na si Mang Joel bilang isang tricycle driver ngunit ngayon ay hindi muna siya pwedeng pumasada. Kuwento niya sa GMA News, hindi niya kayang mamalimos kaya naman gumagawa siya ng paraan upang may maipakain sa kaniyang pamilya.

“Hindi ko kayang mamalimos. Kung anong kaya ko, yun ang gagawin ko para po kahit paano ay may makuhang pangkain araw-araw,” sabi ni Mang Joel sa GMA reporter na si Bernadette Reyes.

Namumulot siya ng mga karton upang ibenta sa junk shop at ipambili ng kanilang pangunahing pangangailangan.

Imahe mula sa GMA News | Bernadette Reyes

Dahil sa diskarteng ito at hindi pag-asa sa ibang tao ay hinangaan siya ng mga netizen.

“Ganitong tao ang masarap tulungan. Responsable at hindi palaasa. In fairness, maayos ang tuluyan nila at isa lang ang anak,” ani Carolina N.

Hiling naman ni Joseph B., sana ay payagan nang makapasada ang mga tricycle at bigyan na lang ng takdang bilang ng pasahero upang masunod pa rin ang social distancing. Sa ganitong paraan ay makatutulong din sila sa mga nangangailangan ng transportasyon.

Sabi naman ng iba, sana raw ay mabigyan ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program ang mag-anak.

“Ito dapat ang bigyan ng tulong kasi kahit nawalan sila ng work ay nagsusumikap pa rin at hindi umaasa sa ayuda. Kung anong pwede nilang gawin para kumita ay ginagawa nila,” ani Roselle S.

Source :

Facebook

Loading…