Dambuhalang yelo, ibinida ng isang netizen

  • Kinaaliwan ng mga netizens ang larawan ng dambuhalang yelo
  • Singhaba na ito ng isang “palo–palo” o kaya naman ay baseball bat
  • Ang ganitong uri ng yelo ay kadalasang nabibili sa mga suking tindahan

Sa init ng panahon ngayon, iba–iba ang paraan ng ating mga kababayan upang maibsan, o hindi man tuluyang mapawi ang tagaktak ng pawis at naglalagablab na pakiramdam dulot nito. Isa sa mga hindi nawawala riyan ang pag–inom ng malamig na tubig. Kung wala namang refrigerator, marami naman ang nagtitinda ng yelo sa mga suking tindahan.

Kaya naman, ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Bien Miranda” sa kaniyang Facebook post ang isang mistulang dambuhalang yelo na nabibili sa mga suking tindahan. Kung susuriin ang naturang yelo, singhaba ito ng isang palo–palo, kagamitang ginagamit sa paglalaba. Maaari na itong ipanghampas.

Imahe mula sa Facebook account ni Bien Miranda / Public Domain Image

Tiyak ding hindi magkakasya sa loob ng pitsel ang naturang yelo. Maaaring gumamit ng tatlo hanggang apat na pitsel ng tubig upang mapakinabangan ito, bago pa tuluyang malusaw. Hindi naman nabanggit sa post kung saang tindahan ginawa o nabili ang naturang yelo.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “Ang tawag diyan, YEEEEELLLLLOOOOO!!! Hahaha. Pero sa init ng panahon ngayon, siguradong lusaw kaagad iyan kaya ang mabuting gawin diyan, ilagay na sa pitsel na may gin pomelo o Red Horse, inuman na! Ay hindi pa pala puwede, wala pa yatang liquor ban.”

“Hindi naman galit sa yelo o takot mainitan ang gumawa niyan no? Hahaha. Puwede nang ihampas iyan sa mga taong matitigas ang ulo at ayaw sumunod sa ECQ,” turan naman ng isa.

Para sa mga bansang tropikal na kagaya ng Pilipinas, malaking bagay na ang yelo bilang pampapawi ng init o uhaw. Sa mga pinalad na magkaroon ng refrigerator, gumagawa sila ng yelo mula sa malinis na tubig at isinisilid sa plastik. Karaniwan itong ibinebenta sa halagang piso hanggang limang piso, depende sa laki.

Public Domain Image

Samantala, may ilan din namang gumagawa ng tinatawag na “ice candy” kung saan nilalagyan ng flavor gaya ng chocolate, buko, mangga, orange, at iba pang uri ng prutas ang tubig na magiging yelo kapag pinalamigan na sa refrigerator o cooler.

Mabenta rin ang mga ganitong uri ng yelo sa mga nagtitinda ng “halohalo”, isang uri ng panghimagas ng mga Pilipino.

Loading…