Daniel Padilla sa relasyon nila ni Kathryn Bernardo: ‘Para siyang halaman, kailangan mong alagaan’

Imahe mula sa Instagram | Daniel Padilla
  • Nagdiwang ng kanilang ika-8 anibersaryo sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla
  • Pag-amin nila, maraming beses nang dumaan sa pagsubok ang kanilang relasyon ngunit pinili nilang manatili sa isa’t isa
  • Sabi pa ni Daniel, ang relasyon nila ni Kathryn ay parang halaman na kailangang alagaan at payabungin

Kamakailan lamang ay nagdiwang ng kanilang ika-8 anibersaryo ang real-life couple na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Imahe mula sa Instagram | Daniel Padilla

Ngunit kagaya ng ibang relasyon ay marami na silang pinagdaanang pagsubok. Sa isang panayam sa “I Feel U” kung saan host ang magkapatid na Toni at Alex Gonzaga ay ibinahagi ng dalawa kung paano sila nanatiling matatag sa kabila ng mga ito.

Sabi ni Daniel, maraming beses na silang muntik na maghiwalay ngunit sa huli ay pinipili nilang ayusin ang mga hindi nila pagkakaunawaan.

“Marami na kaming away ni Kathryn na talagang away din talaga…Pero tatalikod man ako, after five minutes babalik din ako,” pag-amin ni Daniel.

Natutuhan niya raw kasi na ang pagmamahal ay parang halaman na kailangang alagaan. “You have to let it grow. Para siyang halaman. Kailangan mo siyang mahalin. Hindi ko siya kayang talikuran. Baka wala na akong makuhang pag-ibig na ganito uli,” paliwanag niya.

Sa halip na tumalikod, mas makatutulong daw ang pag-uusap nang mahinahon. “Yun ang nakita kong problema ko noon kapag nag-aaway kami ni Kathryn. Kapag mas malakas ang boses ko, baka mas manalo ako,” ani Daniel.

Imahe mula sa Instagram | Daniel Padilla

“Para sa akin ngayon, na-realize kong mali pala yung ganoon. Hindi dapat ganoon.”

Sang-ayon naman dito si Kathryn na nagsabing kahit galit, dapat manatili ang respeto para sa isa’t isa.

“Puwede kang magsalita ng kung anu ano na mao-offend iyong partner mo…So ang laking bagay na nirerespeto ninyo ang isa’t isa,” dagdag ng aktres.

Malaki rin daw ang pasasalamat niya kay Daniel dahil sa suportang ipinakikita nito.

“Lahat ng insecurities ko, lahat yun tinatawanan niya lang. Sinasabi niya, ‘Bakit ganiyan ka mag-isip? Hindi naman iyan big deal.’ Siya yung nagpa-realize sa akin kung paano i-handle ang ganiyang bagay. Maganda yung influence niya sa akin doon,” sabi ni Kathryn.

Source :

YouTube, ABS-CBN

Loading…