Dapat may delicadeza: DILG pinuna ang birthday celebration ni NCRPO director Maj. Gen. Debold Sinas

  • Pinuna ni DILG Sec. Año ang birthday party ni NCRPO director Maj. Gen. Sinas sa gitna ng ECQ
  • Sinabi ng kalihim na dapat magkaroon ng delicadeza ang mga opisyal ng gobyerno at kapulisan
  • TInawag ng isang mambabatas na “insensitive” ang ginawang birthday party ni Sinas

Pinaalalahanan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga local government officials at police officers na dapat silang maging magandang halimbawa sa pagpapatupad ng quarantine protocols.

Imahe mula sa DILG

“Ang ating sinasabi sa ating mga government officials lalo na sa nasasakupan ng DILG, ito ‘yung tinatawag nating delicadeza, may mga pagkakataon na kailangan maging good example ka,” paalala ni Sec. Eduardo Año.

Ang ipinahayag ng kalihim ay isang reaksyon sa birthday celebration ni Major General Debold Sinas, ang director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na ginanap sa headquarters ng NCRPO sa Taguig City sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine kung saan ipinagbabawal ang mass gathering.

“Habang nasa ECQ tayo, wala ‘yung mga celebration na ganyan, ‘yung mga organized dinner na ganito, hindi ‘yan ano… delicadeza nga eh . Right then and there, dapat ipatigil mo,” anang kalihim.

Ang ilang larawan ng birthday celebration ay kumalat sa social media matapos iyong ibahagi ng NCRPO sa Facebook.

Tinawag naman ng ilang mambabatas na “insensitive” at “double standard” ang ginawa ng NCRPO.

Imahe mula sa NCRPO Facebook page

“Aren’t they ashamed of themselves? First, they were insensitive enough to have a huge birthday party amidst the lockdown. Second, they had the audacity to flaunt it in official social media pages of the PNP, putting in full display their apparent exemption from several lockdown measures including social distancing and prohibition of mass gatherings,” sabi ni Bayan Muna Partylist Representative Ferdinand Gaite.

Pinuna rin ni Gaite ang diumano ay ginawang pagtatanggol ni Philippine National Police Chief General Archie Gamboa kay Sinas.

“While relief volunteers are quickly arrested and detained for merely distributing food to poor families, PNP Chief Archie Gamboa was quick to cover up his general’s violations and cleared him for any accountability. They can call it what they like, but it was evidently a party, and there were clear violations. Their own photos attest to this,” sabi pa niya.

Imahe mula sa NCRPO Facebook page

Sa isang press briefing, ipinagtanggol ni Gen. Gamboa si Sinas.

“Una, walang party na nangyari ang sabi ni Gen. Sinas. Probably nagkaroon ng mañanita pero doon sa mañanita ang sabi ni Gen. Sinas is that in-observe pa rin nila ‘yong mga social distancing. Now, I don’t think na meron namang violation ito,” anang PNP chief.

Sa kabila ng tinuran, nangako naman si Gen. Gamboa na kanya pa ring titingnan kung may violations na naganap.

Imahe mula sa NCRPO Facebook page

Loading…