Dating aktres na si Avi Siwa, hinuli ng NBI dahil sa pagbebenta ng COVID-19 test kits

Imahe mula sa Facebook | Avi Siwa at ABS-CBN
  • Sa isang entrapment operation ay nahuli ng NBI ang dating aktres at modelo na si Avi Siwa
  • Wala siyang permit mula sa FDA sa ibinebenta niyang COVID-19 test kits
  • Inireklamo rin siya ng isang negosyante dahil hindi niya diumano ipinadala ang order nitong mga bigas kahit nakapagbigay na ng downpayment

Dahil sa hindi awtorisadong pagbebenta ng COVID-19 testing kits ay nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating modelo at aktres na si Avi Siwa sa isang entrapment operation sa Intramuros, Maynila.

Imahe mula sa Facebook | Avi Siwa

Ayon kay NBI–International Operations Division chief Ronald Aguto, nakita nila ang posts ni Siwa sa social media na nagbebenta ng test kits.

Sa screenshot na nakuha ng NBI ay makikitang sinabi ni Siwa na may access siya sa apat na brands ng rapid test kits — Cellex, Biolodocs, Innovita, at Wondfo. Nagtanong din siya kung magkano ang willing ibayad para sa home service COVID testing.

Nakasaad sa FDA Advisory No. 2020-498 na ang online na pagbebenta ng test kits ay ipinagbabawal.

“Alam naman natin na kung hindi ka awtorisado ng Food and Drug Administration, hindi ka puwedeng magbenta ng test kits,” sabi ni Aguto sa isang panayam sa ABS-CBN News.

Bukod dito, tanging mga lisensiyadong doktor at propesyonal lamang ang maaaring magsagawa ng tests.

Imahe mula sa Facebook | ABS-CBN

Inireklamo rin siya ng isang Jessielyn Fernando na nag-order daw ng 10k sako ng bigas kay Siwa. Nakapagbigay na raw siya ng downpayment na P4.4 million ngunit wala umanong dumating na delivery.

“Tulong para sa mga tao kasi gutom na nga ‘yung mga tao e. Nangangailangan na sila ng rescue kaya ang usapan namin kailangang makarating in one week,” sabi ni Fernando.

Itinanggi naman ni Siwa ang akusasyong ito at sinabing si Fernando pa nga ang may utang sa kaniya. “Talagang sobrang sobrang argabyado talaga…I don’t know why she’s doing this,” sabi naman ni Siwa sa isang ulat ng GMA News.

Mahaharap si Siwa sa kasong estafa.

Loading…