Dating PBB Teen Housemate Alec Duñgo ganap na medical doctor na ngayon

  • Natatandaan mo pa ba ang teen housemate na si Alec Duñgo ng PBB Teen Edition 4
  • Isa na siya ngayong medical doctor
  • Isa rin siyang registered pharmacist

Isa sa matatagumpay at inabangang reality competition show mula sa ibang bansa na nagkaroon ng bersyon sa Pilipinas ang “Pinoy Big Brother” ng ABS-CBN Kapamilya Network. Tinagurian itong “Pinakasikat na Bahay” sa bansa, lalo’t marami sa mga naging housemates nito ang tuluyang pumasok sa larangan ng showbiz.

Ilan sa kanila ay sina Sam Milby, Jason Gainza, Gerald Anderson, Robi Domingo, Melai Cantiveros, Jason Francisco,  Paul Jake Castillo, Beauty Gonzales, Zanjoe Marudo, Myrtle Sarrosa, Maymay Entrata, Edward Barber, Ryan Bang, Kisses Delavin, Maris Racal, James Reid, Kim Chiu, at marami pang iba. Hanggang ngayon, sikat pa rin sila.

Public Domain Image

Habang ang ilan ay nasa showbiz limelight, may ilan namang piniling maging pribado ulit ang kanilang buhay matapos ang kompetisyon. May mga nagnegosyo, lumagay sa tahimik at nag-asawa, at may nagpatuloy naman sa pag-aaral. Isa na riyan si PBB Teen Housemate “Alec Brandon Duñgo” na ngayon ay isa nang ganap na doktor.

2012 nang unang makilala si Alec bilang teen housemate sa PBB: Teen Edition 4, kasabayan sina Kit Thompson, Yves Flores, Karen Reyes, kambal na sina Joj at Jai, at ang grand winner na si Myrtle Sarrosa. Hindi siya pinalad na makaabot sa big night dahil na-evict kaagad siya sa ika–83 araw.

Matapos ang kapalaran sa PBB, ipinagpatuloy niya na lamang ang pag-aaral. Nakatapos naman siya at naging ganap na Registered Pharmacist. Hindi rito tumigil ang kaniyang pangarap. Muli siyang pumasok sa medical school ng University of Santo Tomas, at noong 2019, isa na siyang medical doctor. Naparangalan pa siya bilang Cum Laude. Ipinahayag niya ang kasiyahan at pasasalamat sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Alec Brandon Duñgo

Ayon sa kaniya, ang pagiging doktor ay isang “childhood dream” na naging katotohanan para sa kaniya. Pinasalamatan niya ang kaniyang mga magulang, pamilya, at mga naging guro’t kaklase sa UST Faculty of Medicine and Surgery na naging bahagi sa pagkamit niya ng pangarap. Sa ngayon, isa siya sa mga frontliners na sumasagupa sa COVID–19 pandemic.

Hindi man naging PBB grand winner si Alec, maituturing na winner pa rin siya sa pagtupad ng kaniyang mga pangarap!

Imahe mula sa Facebook account ni Alec Brandon Duñgo

Loading…