Doktor na nagpositibo at gumaling sa COVID-19, nakapaghanda ng nakaaantig na video para sa pamilya

  • Isang doktor sa Ospital ng Maynila ang nahawaan at nakipaglaban sa COVID-19
  • Dulot ng pangamba para sa sarili at sa pamilya, nakagawa ng farewell video ang nasabing doktor kung sakali man na lumala ang kaniyang kondisyon
  • Sa kabutihang-palad, ang doktor na iyon ay tuluyang gumaling at ipinagpatuloy ang pakikipaglaban sa pandemiko

Matatandaan na noong Abril ay sumailalim ang Sampaloc, Maynila sa 48-hour lockdown dahil ito ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Ngunit nauna pa rito ang pansamantalang pagsasara ng Ospital ng Sampaloc sa unang linggo pa lamang ng Abril dahil ilan sa mga medical staff doon ay nahawaan ng virus.

Imahe mula sa Facebook page ng Ospital ng Sampalok

Kabilang sa mga nahawaan ay si Dr. Manuel Sotelo III; assistant hospital director ng nasabing pagamutan.

Marahil sa labis na pangamba at pag-aalala para sa kapakanan ng pamilya, dagdag pa rito ang pag-aakalang hindi na gagaling, ay nakagawa ng 10-minute video si Dr. Sotello para sa kaniyang pamilya.

Sa isang short video clip na ibinahagi ng ANC 24/7 Facebook page, mapapanood ang madamdaming mensahe ni Dr. Sotelo sa kaniyang asawa at anak.

“So, Mahal, I wish I could be with you para palakihin si Ally. Mahal na mahal ko kayo. Gusto ko sana siyang makitang lumaki,” pahinto-hintong pagkakasabi ng doktor na hindi na rin napigilan ang pag-iyak.

Ang video ay ginawa ng doktor bilang paghahanda kung sakali man daw na lumala ang kaniyang kondisyon.

Sa kabutihang-palad, napagtagumpayan ng doktor ang COVID-19 at muling nagbalik sa ospital upang ipagpatuloy ang laban.

“This fight isn’t just for us. It’s also for the next generation. It’s for my daughter,” sabi pa ng doktor sa ulat ni Jeff Canoy sa ABS-CBN News.

Imahe mula sa Pixabay

Si Dr. Sotelo ay isa lamang sa mga magigiting nating frontliners na naalpasan ang malaking dagok sa buhay dulot ng COVID-19. Gayunman, hindi pa natatapos ang kaniyang laban tulad ng mga patuloy na naglilingkod para sa bayan.

Patuloy nilang sinusuong ang mga hamon para na rin sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.

Mabuhay po kayo!

Loading…