DTI pinag-aaralan kung maaari nang buksan ang mga barber shop at beauty salon sa GCQ areas

  • Pinag-aaralan ng DTI kung maaari nang mag-operate ang mga barber shops at beauty salons sa GCQ areas
  • Magde-demo ang ilang barber shops at salons upang ipakita kung paano nila masusunod ang quarantine protocols
  • Ang mga lider ng hairdressing industry ay nagmungkahi ng mga safety protocols na maaaring gawin ng mga barber shops at salons

Inanunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) na nagsasagawa na ito ng pag-aaral kung maaari nang payagan ang operasyon ng mga barber shop at beauty salon sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Imahe mula sa Facebook page ng Reyes Haircutters

Sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na nitong araw ng Linggo, ika-24 ng Mayo, ay magsasagawa ang ahensya ng pag-iinspeksyon kung paaano maipatutupad ng mga nabanggit na establisimyento ang mga health protocols upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga customers at empleyado sakaling payagan na ang kanilang operasyon.

“Kasama po ang pag-review, may magde-demo na barber shops and salons para ho kung tayo po ay magiging GCQ na. Ito po ay pinag-aaralan na rin ngayon kung dapat na rin silang buksan,” pahayag ni Sec. Lopez.

Kasabay ng pahayag ng DTI secretary ay naglabas naman ang Malacañang Palace ng updated community quarantine guidelines mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Isinasaad sa guidelines na ang mga barber shops, salons at personal care service establishments ay papayagang makapag-operate ng hanggang 50% ng capacity ng puwesto ng negosyo.

Imahe mula sa Gandang Ricky Reyes

Samantala, may inihaing mungkahi ang mga lider ng hairdressing industry sa pangunguna ni Ricky Reyes ng Philhair at ni Evelyn Alvaran Cruz ng Hair Asia Philippines.

Iminungkahi nila na hanggang sampung tao lang sa loob ng salon o barber shop kabilang na ang mga empleyado kahit gaano pa kalaki ang puwesto. Pagsusuot ng empleyado ng PPEs na may face shield at washable face mask.

Kabilang din ang pagpapasuot ng disposable gloves sa mga customers. Ang mga gunting, razors at suklay ay kailangang i-sterilize sa harap ng customer. Ang nail services ay maaari lang sa mga customers na may dalang sariling tools.

Hindi rin maaari ang close verbal contact sa pagitan ng empleyado at customer. Ang sanitation at disinfection ng barber shop at salon ay regular na gagawin.

Imahe mula sa C-News

Nakiusap si Evelyn Alvaran Cruz na sana ay makapag-operate na agad sila.

“We heard we’ll be allowed to reopen by July? Huwag naman sana. Sana marinig boses namin. Kailangan na talaga kaming magbukas muli dahil ang dami nang nagsa-suffer na pamilya,” aniya.

Loading…