Enrolment sa public school tuloy pa rin simula June 1 hanggang June 30

  • Ang enrollment sa public schools ay itutuloy pa rin
  • Ang bagong school year ay magsisimula sa August 24, 2020 at magtatapos sa April 30,2021
  • Walang face-to-face classes na magaganap hangga’t mayroong umiiral na community quarantine

Sa kabila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang pag-ayaw sa pagbubukas ng klase hangga’t wala pang vaccine sa COVID-19, inanunsyo ni Presidential Spokesman Harry Roque na itutuloy pa rin ang enrollment sa public school simula June 1 hanggang June 30.

Imahe mula sa DepEd

“Tuloy po ‘yan dahil hindi naman po tayo pupuwede na walang preparasyon,” sabi ni Roque.

Sa ilalim ng memorandum na inilabas ni Department of Education Secretary Leonor Briones noong May 11, ang mga paaralan ay kailangang magsagawa ng enrollment simula June 1 hanggang June 30 para sa lahat ng mag-aaral na papasok sa School Year 2020-2021, kabilang na ang mga estudyanteng nakapagpatala noong early registration period noong February 1 hanggang March 6, 2020.

Ang bagong academic year ay magsisimula sa August 24, 2020 at magtatapos sa April 30, 2021.

Noong Lunes, ika-25 ng Mayo, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya papayagan ang pagbubukas ng klase hangga’t wala pang bakuna para sa COVID-19.

Makalipas ang nasabing pahayag, nilinaw ni Roque na ang ibig sabihin ni Pangulong Duterte ay walang face-to-face classes hangga’t mayroon pang umiiral na community quarantine. Aniya, ang physical classes ay itutuloy lang sa August 24 kapag ang bansa ay nasa ilalim na ng “new normal.”

Imahe mula sa ABS-CBN

“What is sure is the schooling of students will proceed. The issue now is the situation on August 24,” anang tagapagsalita ng Pangulo.

Aniya, sakaling hindi pa rin maabot ang “new normal” sa August 24, ang mga klase ay magpapatuloy  pa rin sa pamamagitan ng “blended learning” kung saan gagamitin ang telebisyon, radyo at internet para sa pag-aaral.

Loading…