Estudyanteng GrabExpress rider, may nakaaantig na karanasan sa pulis na sumita sa kaniya sa checkpoint

  • Maraming kabataan pa rin ang patuloy na nagsusumikap para makamit ang kanilang mga pangarap tulad ng isang estudyanteng GrabExpress rider
  • Subalit ang rider na ito ay nahuli sa isang checkpoint sa Maynila kung saan isang pulis ang sumita sa kaniya
  • Gayunman, ang hindi magandang pangyayaring iyon ay nagbunga ng maganda dahil naghatid ng inspirasyon sa estudyante ang tulong at bilin sa kaniya ng pulis

Isang estudyanteng GrabExpress rider ang nagbahagi ng hindi niya malilimutang karanasan ngayong COVID-19 nang masita siya sa isang checkpoint.

Ayon sa Facebook post ng rider na si Joshua Read, papunta na sana siya para pumick-up ng food item sa Sta. Mesa, Maynila nang mapadaan siya sa isang checkpoint sa España Boulevard.

Imahe mula sa Facebook post ni Joshua Read

Habang nakapila ang iba pang rider, nakita umano ni Joshua ang isang rider na dumaan sa kabilang lane kaya sumunod siya rito. Dito na siya sinita ng isang pulis.

Tinanong siya ng pulis kung bakit pinagpilitan pa ni Joshua na sumingit kahit may nakita na itong harang. Nagpaliwanag naman ang binata ngunit kinuha pa rin ang kaniyang lisensiya para matuto raw siya ng leksiyon.

“Ako naman panay sorry lang at hingi ng pasensya dahil di ko naman sinasadya. Katakot-takot na sermon inabot ko sa kanya. Hanggang sa humaba na pakikipag-usap ko sa kanya todo paliwanag lang ako na estudyante lang ako at need lang talaga kumayod para sa sarili ko,” paliwanag ni Joshua.

Hiningi raw ng pulis ang kaniyang school ID ngunit nang wala siyang maipakita ay inabot niya ang lumang ojt ID. Maraming tanong ang pulis na kesyo raw nakakuha ng motor ang binata ngunit wala naman daw itong pantubos sa lisensiya.

Nagpaliwanag si Joshua na kaya siya napakuha ng motor ay dahil nahihirapan siyang mag-commute papunta sa kaniyang paaralan sa Tondo mula sa Pasay. Idagdag pa raw ang hirap ng biyahe papunta sa dati niyang pinagtatrabahuhan.

“Pagsabi ko nun, naiyak ako. Bago kasi mangyari yun eh medyo di naging maganda araw ko sa mga na experience ko kanina sa mga deliver ko. Kaya masama talaga loob ko buong araw. Tapos bigla na lang siya nagsalita, tapos dumukot sa wallet niya na akala ko ay titicketan na ako,” dagdag ni Joshua.

Laking gulat na lamang daw ng binata na inabutan siya ng pulis ng $100. Tulong daw iyon ng pulis sa kaniya. Sa simula ay hindi talaga tinanggap iyon ni Joshua ngunit pinilit iyon ng pulis.

“Tanggapin mo na. Tulong ko sa ‘yo ‘yan. Gusto ko magtapos ka ha! Ipangako mo sa akin,” sabi ng pulis na lalong nagpaiyak kay Joshua.

Imahe mula sa Facebook post ni Joshua Read

Lubos ang pasasalamat ni Joshua na mula raw sa pagde-deliver ng item hanggang sa pag-uwi niya ng bahay ay naiiyak siya.

Natukoy naman ni Joshua ang pangalan ng pulis at ito ay si SirJon Tibay Nacino. Saludo po kami sa iyo, sir Nacino! Saludo rin kami sa iyo, Joshua, na patuloy na kumikilos para maabot ang mga pangarap.

Loading…