Exotic pets, kabilang ang nakawalang serval cats na inireklamo sa Cainta, kinumpiska ng DENR

  • Exotic animals kinumpiska ng DENR mula sa isang negosyante
  • Kabilang sa mga nakuhang exotic animals ay dalawang serval cats, isang Dupro’s cockatoo at isang blue-and-gold macaw
  • Ang operasyon ng DENR ay ikinasa nang magreklamo ang mga naalarmang residente dahil sa nakawalang serval cats

Sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine ay nagsagawa ng isang operasyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang Task Force Philippine Operations Group on Ivory and Illegal Wildlife Trade ng Biodiversity Management Bureau upang kumpiskahin ang dalawang serval cats na nakawala sa bahay ng may-ari nito.

Imahe mula sa DENR

Ang mga serval cats ay itinuturing na threatened species dahil malapit nang maubos ang kanilang bilang sa wild.

Bukod sa dalawang serval cats ay nadiskubre at kinumpiska rin ng mga awtoridad ang isang Ducorp’s cockatoo at isang blue-and-gold macaw. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagmamay-ari ng mga exotic animals. Wala umanong maipakitang permit ang may-ari nito na nakilalang si Don Michael Perez ng Filinvest East Homes sa Antipolo, Rizal.

Ayon sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, kailangan ng permiso mula sa DENR para makapag-alaga ng wildlife pets.

Ang operasyon ay nag-ugat sa reklamo ng mga kapitbahay ni Perez noong nakaraang linggo nang makawala ang dalawang serval cats. Ang isa sa mga ito ay umakyat pa sa bakod ng isang bahay na ikinaalarma ng may-ari.

Nagreklamo umano ang mga residente sa Homeowners’ Association, subalit wala itong ginawang aksyon. Ang mga naturang serval cats ay nagsilbing atraksyon sa cat café ni Perez sa Quezon City na nagsara na noong isang taon.

Imahe mula sa DENR

Ani DENR Undersecretary Benny Antiporda, hindi nakatutulong para sa mga exotic animals na gawin itong pets.

“Hindi po kayo nakatutulong sa pag-aalaga niyan. Ang ginagawa n’yo po ay ginagawa ninyong pet at nawawalan sila ng pagkakataon na makapagparami,” ayon kay Usec. Antiporda.

Nakiusap si Antiporda sa mga taong nag-aalaga ng exotic animals na i-surrender sa kanila o kaya ay dalhin sa National Wildlife research and Rescue Center upang doon maalagaan ang mga hayop.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…