France, magbibigay ng tulong pinansyal sa RITM upang mas mapalawig ang operasyon laban sa COVID-19

  • Magbibigay ng dalawang milyong Euro ang France para sa RITM
  • Napili nila ang RITM bilang bahagi ng kanilang proyektong ECOMORE II 
  • Magagamit ang karagdagang pondo para sa pagpapalawig ng operasyon ng RITM laban sa  C0VID-19

Patuloy ang laban ng mundo sa pandemic na C0VID-19. Maraming bansa ang nakikitaan ng unti-unting tagumpay sa nasabing virus, habang ang ilan naman ay nananatiling malaking hamon ang pababain ang bilang ng mga apektado sa kani-kanilang bansa.

Hindi rin nawawala ang bayanihan mula sa iba’t ibang bansa para sa mas malakas na puwersa sa pagsugpo sa C0VID-19. Isa sa mga bansang magbibigay ng ayuda sa Pilipinas ay ang France. Inanunsiyo ng embahada ng France na isa ang Pilipinas sa ASEAN region na makatatanggap ng tulong mula sa kanilang bansa.

Larawan mula sa PTV

Sa ilalim ng ECOMORE II project ng France, makatatanggap ng €2 million mula sa French Development Agency (FDA) ang pitong Southeast Asian laboratories. At sa Pilipinas, ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang magiging benepisyaryo ng nasabing proyekto.

Pahayag ng embassy ng France sa isang statement, ang pondong ibibigay nila ay maaaring gamitin ng mga laboratory sa pagbili ng mga kagamitan, pagkakaroon ng mas maraming testing kits, protective equipment, pagkuha ng mga tauhan at health workers, at maging sa pagsasawa ng mass testing.

Napili raw ng FDA ang Southeast Asia na rehiyong tulungan dahil nakikita nilang malaking banta pa rin ang C0VID-19 dito. Patuloy pa rin kasi ang pagtaas ng kaso sa nasabing rehiyon at kailangang matugunan agad ito upang manalo laban sa pandemic ang mundo.

“It is essential to delay the peak of the epidemic in Southeast Asia as much as possible, as recommended by the WHO, by supporting partner countries’ monitoring policies and strategies pertaining to the spread of the virus through laboratory capacity building,” pahayag ni FDA Regional Director in SEA Yazid Bensaïd.

Larawan mula sa Pexels

Maliban sa RITM sa Pilipinas, makatatanggap din ang piling laboratory mula sa mga bansang Cambodia, Laos, Myanmar, at maging ang Vietnam na maganda ang ipinakikitang paghawak sa sitwasyon kaugnay ng pandemic.

Habang isinusulat ang balitang ito, umabot na sa lagpas 8,400 ang kaso ng C0VID-19 sa Pilipinas ngunit patuloy naman ang pagdami ng mga gumagaling na nasa lagpas 1,000 na.

Loading…