“Fresh Basket Market” bilang tulong sa mga magsasaka, inilunsad ng may–ari ng isang restaurant

  • Inilunsad ng isang restautant owner ang “fresh basket market”
  • Layunin nitong makatulong sa mga magsasaka upang hindi masayang ang kanilang mga aning gulay
  • Magaganda naman ang naging pagtanggap at komento rito ng kanilang mga kliyente

Isa sa mga matinding naapektuhan ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon ang mga magsasaka, lalo na sa ibang mga pangunahing lalawigan na pagtatanim ang pangunahing ikinabubuhay. Marami sa kanila ang nalugi dahil hindi naibenta ang mga aning gulay, kaya ipinamahagi na lamang nila sa mga kapwang nangangailangan, o kaya naman bagsak–presyong itininda pa rin.

Kaya naman, iyan ang naging proyekto ngayon ng may–ari ng restaurant at Managing Director ng “H Cafe and Events Place” at “Healthy Meals PH” na si “Rad Pelayo” na ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post. Inilunsad niya ang kaniyang “Fresh Basket Market” kung saan nakipag–tie up sila sa mga magsasaka upang direkta nilang maibili ang mga pananim na gulay ng mga ito. Makikita ito sa Facebook post ng negosyanteng mapagkawangga.

Imahe mula sa Facebook account ni Rad Pelayo

“Today we open our Fresh Basket Market by Healthy Meals Ph Cafe. Dati pa ang concept na ‘Love Lokal’, para makatulong sa mga magsasaka natin. Anak ako ng isang magsasaka, kaya alam ko ang feeling ng ang ganda ng harvest pero bagsak ang presyo kasi lahat kayo na magsasaka nagharvest nang sabay–sabay,” aniya.

Salaysay pa niya, nakipag–ugnayan na siya sa mga suppliers ng gulay sa Benguet, Rizal, Batangas at iba pang mga probinsya upang magdeliver sa kanila, na binibili naman nila sa murang halaga. Bukod sa ginagawa nilang panahog sa kanilang mga menu, itinitinda rin nila ang mga gulay sa iba’t ibang mga kliyente na may mas murang halaga.

Kaya sa umaga, mistulang open garden market ang kaniyang restaurant, at cafe naman sa gabi. Makikita sa kaniyang mga inilakip na larawan na napapalamutian din nang maganda at maayos ang kanilang fresh basket market. Nakatitiyak daw ang kanilang mga mamimili na sariwa at mura ang kanilang mga panindang gulay.

“We have, fruits, veggies, meats (native chicken, baboy ramo), plant based products (tocino, tapa, sisig, and belly), bakes ( stevia buns, ube pandesal, cheese rolls) and stevia desserts. Our ready–to–eat meals are also available. (hardinera, embotido, baked relyeno) This is the new normal, don’t wait for an opportunity but create an opportunity to expand and learn,” pagpapatuloy ni Pelayo.

Imahe mula sa Facebook account ni Rad Pelayo

Ayon pa sa kaniya, hindi raw madali ang kaniyang ginawa. Dasal at pagkilos daw ang kaniyang ginawa upang maisakatuparan ang lahat ng ito. “Small step is better kaysa sa wala,” ‘ika nga niya.

Pinasalamatan niya ang kaniyang mga kliyente na patuloy na tumatangkilik at pumupuri sa kaniya at sa kaniyang team.

“Sa mga umalalay at nagpasensya sa mga pagkukulang namin as we do the soft opening two weeks ago, thank you. Di ninyo lang alam kung gaano kami ka–grateful sa inyo. Sana po we made your pamamalengke, stress–FREE and sosyal. Hehehe. Something that makes YOU smile with the ambiance. Sosyal na gulayan daw,” aniya.

Si Rad Pelayo ay kilala rin sa kaniyang pagbibigay ng tulong sa mga frontliners sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga pagkain para sa kanila. Kudos!

Imahe mula sa Facebook account ni Rad Pelayo

Loading…