From Marvel to DC: Robert Downey Jr. aka Iron Man, gagawa ng proyekto para sa DC Comics

  • Matapos magpasaya sa Marvel Cinematic Universe, sa DC Comics naman ang sunod na project ni Robert Downey Jr.
  • Si RDJ ang magpo-produce ng bagong Netflix series na ayon sa DC Comics na Sweet Tooth
  • Sumikat si RDJ sa kanyang pagganap sa Marvel Superhero na si Iron-Man

Maraming fans ang pinaluha ni Tony Stark aka Iron Man sa pinakahuling installment ng Avengers movie na Endgame. Nagsakripisyo kasi si Iron Man na ginagampanan ni Robert Downey Jr. (RDJ) upang matalo ang kanilang kalabang si Thanos.

At sa pagkawala ni Iron Man, nakatakda nang mag-ober da bakod si RDJ dahil matapos ang ilang iconic Marvel movies, nakatakda siyang gumawa ng proyekto sa ilalim ng DC Comics. Inanunsiyo ni Robert ang kanyang bagong proyekto, ang Netflix series na Sweet Tooth.

Larawan mula sa YouTube

Ngunit sa pagkakataong ito, hindi naman artista si Robert kung hindi magsisilbing producer ng show. Katuwang niya sa pag-produce ng series ang kanyang asawa na si Susan Downey.  Ang Sweet Tooth ay isang DC Comics na nilikha ni Jeff Lemire.

“The sweetest things are worth waiting for… Susan and I are producing a Netflix original series, Sweet Tooth, based on the comic by Jeff Lemire. Can’t wait to share it with you all,” tweet ni RDJ.

Maraming fans naman ni RDJ ang sinabing susuportahan nila ang proyektong ito ng kanilang idolo kahit daw hindi siya haharap sa camera. Alam daw nilang madadala ni Robert ang kanyang karanasan bilang Iron Man upang mapaganda ang series.

Excited na rin daw ang comic fans na mabigyang-buhay sa screen ang kanilang paboritong comic series. Iikot ang kuwento ng Sweet Tooth sa isang batang si Gus na may lahing usa at iniwan ang pamumuhay sa gubat upang makatuklas ng bagong mundo.

Larawan mula sa DC Comics

Magbibida sa nasabing bagong Netflix series sina Christian Convery, Nonso Anozie, Adeel Akhtar, James Brolin, at Will Forte. Mayroong walong episode ang unang season nito na tatagal naman ng isang oras bawat isa. Si Jim Mickle ang susulat at magdederehe ng series.

Maliban sa paglabas bilang Iron Man, muling napanood si RDJ sa isang pelikulang pinamagatang Dolittle. Si Downey rin ang nag-produce ng nasabing pelikula.

Loading…