Ginebra San Miguel binigyang-pugay ang mga frontliners sa bagong label nito

  • GSM, binago ang label upang bigyang-pugay ang mga COVID-19 frontliners
  • Para sa tunay na tapang na ipinamamalas ng mga frontliners sa ngalan ng serbisyo, isang tagay ang itinaas ng kumpanya para sa kanila
  • Kabilang sa binigyang-pugay ng GSM ang mga health workers, security guards, drugstore personnel, grocery personnel at delivery riders

Binago ng Ginebra San Miguel (GSM) ang label sa mga botelya nito upang bigyang-pugay ang iba’t ibang frontliners sa kinahaharap nating COVID-19 crisis. Wala na ang iconic label na kilala sa tawag na “marca demonio” na iginuhit ng National Artist na si Fernando Amorsolo noong 1917 kung saan tampok ang larawan ni St. Michael the Archangel na ginapi ang isang kampon ng kasamaan.

Imahe mula sa GSM

Tampok sa mga bagong label ng GSM ang limang uri ng frontliners na katuwang ng publiko upang magapi ang salot na COVID-19 na nananalasa hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Kabilang sa binigyang-pugay ng GSM ay ang mga health workers, security guards, drugstore personnel, grocery personnel at delivery riders.

Ang mga bagong label ay inilabas noong ika-1 ng Mayo kasabay ng paggunita sa Labor Day upang parangalan ang mga Pilipinong manggagawa na nagsasakripisyo sa COVID-19 crisis para sa lahat ng mga mamamayang Pilipino.

“Sa paggunita ng Labor Day, ating parangalan ang lahat ng mga Pilipinong manggagawang nagsasakripisyo sa krisis na ito para sa bayan,” post ng GSM sa Facebook page nito.

Para sa tunay na tapang na ipinamamalas ng mga frontliners sa ngalan ng serbisyo, isang tagay ang itinaas ng kumpanya para sa kanila.

Imahe mula sa GSM

Ganito ang mensahe ng GSM para sa mga drugstore personnel:

“Isang tagay para sa’ting mga drugstore personnel na tinitiyak na tayo’y may sapat na gamot at vitamins; ang angkin nilang tapang na tunay ay isang mahalagang ambag sa laban kontra COVID-19!”

Para sa mga security guards:

“Para sa tapang na tunay na inyong pinapakita sa buong magdamag, saludo ang Ginebra San
Miguel sa inyo, mga chief!”

Para sa mga grocery personnel:

“Isang tagay para sa’ting mga grocery personnel na palaging nandyan sa tuwing tayo’y may kailanganin. Salamat sa inyong tapang na tunay sa ngalan ng serbisyo.”

Para sa mga delivery riders:

“Nakataya man ang inyong kalusugan, ganado pa rin kayo sa pag-arangkada! Likas sa inyo ang tapang na tunay! Kaya nagpapasalamat kami sa inyong patuloy na pagbyahe upang masigurong makakarating ang bawat bagahe at iba pang essential goods sa kanilang paroroonan.”

Imahe mula sa GSM

At para sa mga health workers:

“Para sa kusang-loob nag-aalay ng kanilang oras para sa iba, saludo ang Ginebra San Miguel sa tapang niyo.”

Ayon pa sa GSM, ang tunay na matapang, inuuna ang bayan bago ang sarili.

Loading…