Grupo ng mga bulag na umuwing walang natanggap na ayuda, agad na inaksyunan ng barangay

  • Hindi nakatanggap ng ayuda ang grupo ng mga bulag
  • Sa pamamagitan ng isang concerned netizen ay nabigyan sila ng atensyon
  • Pinuntahan sila ng punong barangay upang personal na matulungan

Bagama’t ang mga community quarantines ay isa sa mga precautionary measures ng pamahalaan upang mapigilan na ang paglaganap ng COVID19, ito ay naging daan naman upang mas maramdaman ng mga taong nasa “laylayan ng lipunan” ang hirap na kanilang pinagdaraanan dahil ang ilan sa kanila ay “No Work No Pay”. Hindi sila kakain o magkakaroon ng pambili ng makakain kung hindi sila kumayod.

Kung lubos na naapektuhan nito ang mga “normal”, mas doble naman ang hirap nito para sa ilang taong may kapansanan. Ibinahagi ng netizen na isang gurong nagngangalang “Nikki Salen” sa Facebook post ang nasaksihang kalagayan ng grupo ng mga bulag kung saan sama–samang silang umuwi nang walang natanggap na ayuda. Hindi naman nabanggit sa post kung anong ayuda ang tinutukoy rito.

Imahe mula sa Facebook account ni Nikki Salen

Kapansin–pansin sa kalakip na larawan na hindi na nasunod ang social distancing dahil kinakailangan nilang magkapit–kapit upang alalayan ang kani–kanilang mga sarili sa paglalakad, bagama’t nakasuot naman sila ng face mask bilang pananggalang.

Matapos ang ilang araw, nagbigay ng update ang netizen na natulungan na raw sila ng kanilang barangay. Marami rin daw ang nagpaabot ng tulong sa mga naturang bulag.

“Update po. Nakarating na rin po ito sa Office of the Barangay Chairman, Kapitan Mayeth Hernandez at sila po ay napuntahan na ng mga tauhan ng barangay. Salamat rin po sa nagpaabot ng tulong kanina. Pagpalain po kayo ng Panginoon,” ayon sa update ng netizen.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Details po nila? Para po makapag–send ng tulong ang mga gustong tumulong,” sabi ng isa.

Bulalas naman ng isa, “Sila dapat ang makakuha! Bakit ba lagi na lang yung mga hindi dapat bigyan ang nabibigyan! O kaya dapat walang piliin, lahat na lang bigyan para walang lamangan.”

Public Domain Image

Nawa ay maging daan ang artikulong ito upang mapaabutan ng tulong ang naturang mga kapatid nating visually impaired.

Loading…