Gumana ka please: Paano mo nililinis o nireremedyuhan ang mga gasgas mong compact disks o CD noon?

  • Compact disks o CD ang isa sa mga pinakasikat na bunga ng teknolohiya noong early 2000s
  • Pero madalas na magkagasgas ang mga ito na nagiging sanhi ng pagtalon nito o palyadong paggana
  • Kaya naman may iba’t ibang remedyo ang mga Pinoy noon para mapagana pa ang kanilang mga CD

Sa pag-unlad ng teknolohiya, maging ang pakikinig ng musika at panonood ng mga series at pelikula ay naging madali na. Mayroon nang mga streaming services ngayon na maaaring libre o may bayad na tinatangkilik naman ng mahihilig mag-sounds at manood.

Pero bago mauso ang mga ito, minsan munang kumapit ang mga kabataan at matatanda noon sa mga compact disks o CD. Maaaring nilalaman nito ang mga paboritong kanta o album ng iniidolong singer. Puwede rin namang narito ang paboritong pelikula.

Larawan mula sa Facebook group na Ang Dekada 2000s

Ngunit ang mga CD, karaniwang nagkakaroon ng gasgas kalaunan, lalo na kung hindi naiingatan at nailalagay sa case nito. At kapag nagasgas na ang mga CD, siguradong magkakaroon na ng aberya kapag pinatugtog o pinaandar ito — nagkakaroon ng pagtalon sa bahaging pinakikinggan o pinapanood.

At dahil isang maituturing na kayamanan noon ang mga CD, may remedyo rin naman ang mga nagmamay-ari nito na gusto pang mapagana ang kanilang gasgas na CD. Iba-iba ang paraan ng mga Pinoy noon para lang maibalik pa ang maayos na paggana ng mga ito.

Sa isang post sa Facebook group na Ang Dekada 2000s, sinariwa ng ilang netizens ang kanilang diskarte noon para lamang maisalba ang tumatalon nilang CDs. Ayon sa post, ang remedyo nila ay ang pagpahid ng rubbing alc0h0l sa mga ito.

Successful naman daw ang technique na ito para sa ilan. Pero kapag daw malala na talaga ang gasgas, mukhang hindi na naisasalba nito ang CD. Sa iba naman daw, toothpaste ang ginagamit nilang pang-alis ng gasgas.

Larawan mula sa Pexels

Pero para naman sa mga nakaluluwag-luwag, mayroon naman daw nabibili na DVD at VCD cleaners na mas epektibo raw na pang-alis ng gasgas. Ang iba naman, tila ginagawang plato ang disks. Hinuhugasan daw nila ito ng tubig at dishwashing liquid para kuminis muli.

Biro naman ng ilan, dasal na lang daw ang kinakapitan nila para gumana pa nang maayos ang kanilang CD. Pati mga gamers sa Playstation at Xbox ay ginagawa rin pala ito sa kanilang CDs sa mga nasabing gaming consoles.

Ikaw, ano’ng alaala mo sa paglilinis ng CDs mo noon?

Loading…