Guro ibinahagi ang pagka–miss sa “dating normal” na pagtuturo

  • Ibinahagi ng isang guro sa Dasmariñas, Cavite ang kaniyang pagka–miss sa “dating normal”
  • Mas gusto raw nilang mga guro na nakikita nang aktuwal ang pagkatuto ng kanilang mga mag–aaral
  • Masakit daw sa kalooban na hindi magawa ang trabahong matagal nang minahal

Kung mahal mo ang trabaho at ginagawa mo, hindi mo ito iisiping isang trabaho o mabigat na pasaning kinakailangang gawin at isakatuparan alang–alang sa pagkita ng pera. Bukod sa kabayarang hatid nito, ito rin ang nagbibigay katuparan at bubuo sa iyong pagkatao; gaya na lamang ng pagiging isang guro, na itinuturing na isa sa mga pinakadakilang propesyon sa mundo.

Sa nalalapit na pagbabalik ng klase sa kabila ng banta ng pandemyang COVID–19, ipinahayag ng isang Science Head Teacher ng Dasmariñas North National High School sa Cavite na si Nicanor “Bong” Reyes, 36 taong gulang, sa kaniyang Facebook post ang pagka–miss sa “dating normal” na iskedyul kapag papasok na ang buwan ng Hunyo; hudyat na kasi ito ng pagsisimula ng “Brigada Eskuwela” bilang paghahanda sa pagbubukas ng mga klase sa pampublikong paaralan.

Imahe mula sa Facebook account ni Bong Reyes

“Opening na sana ng klase sa Lunes kung walang pandemic. Closing ceremony sana ngayon ng Brigada Eskwela. Nakapaghanda na sana kami ng lesson plan namin para sa pasukan. May mga estudyante na sanang tumitingin ng section at schedule nila. May flag ceremony na sana sa Lunes. Hudyat ng pagbubukas ng klase,” ayon sa guro.

Sa pagpapatuloy, “Kaso sarado pa ang paaralan. Masakit sa kalooban na hindi mo magagawa ang trabahong minahal mo. Sabi nga ‘this is not a break for teachers, but a heartbreak’. Hindi OK sa amin ang nangyayari. Ayaw din namin ng ganito.”

Pagdidiin ng guro, mas gusto umano nilang nakikita ang kanilang mga mag–aaral na natututo. Iba pa rin kasi talaga ang “face to face” na mga klase.

“Uuwi sila ng bahay na may bagong kaalaman. Tinutulungan silang mangarap at maabot ang mga pangarap. Itatama ang kanilang pagkakamali upang maging kapakipakinabang sa bayan. At sa huli ay magpapaalam sa kanila na alam naming naging mas mahusay silang tao kaysa dati.”

Sa kabila ng maraming pagtutol at pagkuwestyon ng maraming magulang at mga awtoridad sa kahandaan ng Department of Education o DepEd sa muling pagbabalik ng mga klase, tuloy na tuloy pa rin umano ito sa Agosto 24, 2020.

Public Domain Image

Inilatag ni DepEd Secretary Leonor Briones ang iba’t ibang mga paraan kung paano sisimulan ang mga klase, na maaaring sa pamamagitan ng online teaching, printed materials/modules, at paggamit ng telebisyon at radyo. Hindi kasi pumayag ang kagawaran na manatiling “takot” at walang ginagawa ang mga mag–aaral sa kani–kanilang mga tahanan, lalo’t wala pang katiyakan kung kailan lalaya ang Pilipinas mula sa banta ng pandemya.

Source :

Facebook

Loading…