Hindi rehistradong COVID-19 medicine mula sa China na nagkakahalaga ng P40 million nasabat ng NBI

  • Mga Chinese medicine na nagkakahalaga ng P40 million nasabat sa isang bodega sa Maynila
  • Pinaniniwalaang ang mga nasabat ay Carrimycin na diumano ay nakagagamot ng COVID-19
  • Ang Carrimycin ang gamot na ginamit ni AFP Chief Gen. Felimon Santos, Jr. na pinaniniwalaan niyang nakapagpagaling sa kanya

Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU), Bureau of Customs at Philippine Coast Guard sa isang bodega sa Malate, Maynila ang isang uri ng Chinese medicine na diumano ay nakagagamot sa COVID-19 na tinatayang nagkakahalaga ng P40 million.

Imahe mula sa NBI

Ang operasyon ay ikinasa matapos makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen na itinatago sa nabanggit na bodega na Singalong Street ang mga medisina na pinaniniwalaang “Carrimycin” na ginagamit umano ng mga COVID-19 patients.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas, matatandaang inamin ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Felimon Santos, Jr. na Carrimycin ang ginamit niyang panlunas noong nagpositibo siya sa COVID-19. Inirekomenda umano iyon ng kaibigan niyang Filipino-Chinese.

Sa katunayan ay sumulat pa si General Santos kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian upang magpatulong na makabili ng limang kahon ng Carrimycin direkta sa China. Naniniwala raw siya na iyon ang nakapagpagaling sa kanya.

Imahe mula sa NBI

Nabatid ng NBI na hindi rehistrado sa Philippine Food and Drug Administration ang Carrimycin.

“The medicine has seen a higher demand and popularity because of its claims that it can cure COVID-19. However, this medicine is not registered with the Food and Drug Administration so this should be examined and studied,” sabi ni NBI-SAU chief Emeterio Dongallo Jr.

Naibebenta umano ang Carrimycin sa halagang P200 hanggang P300 kada kapsula nito.

Nauna nang nagbabala ang Department of Health tungkol sa paggamit ng Carrimycin bilang lunas sa COVID-19 dahil salat sa siyentipikong ebidensya na ligtas at epektibo itong gamitin.

Imahe mula sa NBI

“Kagaya ng investigational therapies sa COVID, hindi nirerekomenda ng DOH ang mga gamot na ito para sa COVID hangga’t wala pa tayong matibay at malawakang scientific evidence na ito ay ligtas at epektibo,” babala ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Aniya, ang Carrimycin ay nakarehistro sa US National Library of Medicine para sa clinical trial laban a COVID-19, ngunit wala pang resulta na inilalabas hanggang ngayon.

Source :

ABS-CBN, Abante

Loading…