Iconic ice cream cup: Nagkaroon ba kayo ng Selecta ice cream cup na ginagawa ring baso kapag ubos na ang laman?

  • Tumatak ang ice cream brand na Selecta noong 90’s hindi lamang dahil sa masarap ito kung hindi dahil na rin sa cup nito
  • Ginagawa kasi ng maraming pamilya na instant baso ang Selecta ice cream cup kapag naubos na ang laman
  • Ang ilan naman, ginagawa itong pantakal sa sinaing, lalagyan ng sipilyo, at iba pa

Likas na sa mga Pilipino ang maging mapamaraan. Ang bagay na itatapon na, ay maaari pang pakinabangan dahil sa pagkamalikhain at madiskarte nating mga Pilipino. Kaya naman ang ilang kasangkapan sa bahay ay mula sa mga produktong hindi natin inaasahan na maaari pa lang pakinabangan sa ibang paraan.

Isa sa mga tumatak ay ang lalagyan ng ice cream brand na Selecta noong 90s. May mabibili kasing size at variant ng ice cream na mas maliit sa tub o gallon. Ang size nito ay sakto sa isang baso na normal na ginagamit sa mga bahay.

Larawan mula sa Facebook page na We Are 90s

At dahil sa magandang plastic na materyal na ginamit dito, pagkatapos maubos ang ice cream ay ginagawa na talagang baso ang nasabing ice cream cup. Bawat Pilipino yata na bumibili noon ay itinatago ang ice cream cup at ginagawang baso.

Inaalala ito ng mga kabataan noon sa Facebook group na Batang 80’s Laking 90’s. Ayon sa kanila, madalas daw na lagyan ng samalamig, soft drinks, taho, at haluhalo ang nasabing plastic cup. Matibay rin daw ito kaya maaasahan ng mga nanay bilang alternatibo sa mga baso.

Maging ang mga kabataan sa Facebook group na We Are 90’s ay sinariwa ang pagkakaroon nila ng iconic ice cream cup na kakikitaan pa ng lumang logo ng Selecta. Ayon sa kanila, malaki ang tuwa ng mga nanay noon kapag may bumili ng ice cream na ito dahil may instant baso sila.

Umabot nga sa higit 1,300 reactions ang nakuha ng post sa We Are 90’s group. Nagbigay din ng iba’t ibang alaala ang mga netizen sa nasabing ice cream cup na nagiging baso rin madalas. Ayon sa ilan, bente pesos daw ang halaga nito noon na medyo may kamahalan na noong 90’s.

Larawan mula sa Facebook page na Batang 80’s Laking 90’s

Ang ilan naman, sinabing hindi raw nila ito ginamit bilang baso. Para sa ilang pamilya, instant tabo raw nila ito sa banyo o hindi naman kaya ay kapag naliligo sa ilog. Ang ilan naman daw ay naging lagayan ito ng sipilyo o lapis sa kanilang study table.

Mayroon din namang mga netizens na naging gatangan ng bigas na isasaing ang nasabing baso. Ang iba naman, hanggang ngayon ay naitabi pa ang kanilang Selecta ice cream cup slash baso.

Loading…