Ilang barangay officials inuunang bigyan ng cash aid ang mga kamag-anak at kaalyado sa pulitika – DILG

  • DILG nakatanggap ng mga reklamo hinggil sa mga kapitan na namimili ng bibigyan ng ayuda
  • Inuuna umano ng mga inirereklamong kapitan na bigyan ng cash aid ang kanilang mga kamag-anak at kaalyado sa pulitika
  • May iba pang barangay officials ang humihingi umano ng P2,000 processing fee mula sa mga beneficiaries ng cash aid

Libo-libong reklamo na ang natanggap ng Department of Interior and Local Government (DILG) mula sa mga mamamayan tungkol sa mga barangay officials na inuuna ang kanilang mga kamag-anak at mga kaalyado sa pulitika sa pamamahagi ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.

Screenshot mula sa GMA video

Sa isang panayam ay sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na humigit-kumulang nasa dalawang libo na ang natatanggap nilang mga reklamo laban sa mga opisyal ng barangay na namimili ng bibigyan ng ayuda.

“’Yan ang mga reklamo sa atin, ‘yung daw pinipili ni kapitan puro kamag-anak puro kaalyado,” pahayag ni Usec. Martin Diño.

Layunin ng SAP na mabigyan ng emergency cash subsidy ang 18 million low-income families na itinuturing na “most vulnerable” sa COVID-19 pandemic ng halagang mula P5,000 hanggang P8,000 sa loob ng dalawang buwan batay sa umiiral na salary rate sa bawat rehiyon upang matulungan silang makaagapay sa matinding epekto ng health crisis.

Bukod pa sa reklamong inuuna ng mga kapitan ang kanilang mga kamag-anak at political supporters, may ilang SAP beneficiaries din ang nagreklamo na hiningian sila ng P2,000 processing fee upang makatanggap ng ayuda.

“Meron naman, processing fee, P2,000,” ani Usec. Martin Diño.

Imahe mula sa MSN

May ibang barangay officials naman daw ang humihingi ng P1,000 hanggang kalahati ng cash aid upang maisama sa listahan ng mga beneficiaries ang hindi naman qualified na tumanggap ng ayuda.

Kabilang din sa mga nagrereklamo ang mga bagong salta sa barangay.

“‘Yung mga bagong salta sa barangay ang hindi agad naabutan ng tulong dahil ang ginamit na listahan ay 2015 pa,” sabi pa ni Diño.

Ang isyu hinggil sa mga bagong salta na hindi nakatanggap ng tulong ay tinutugunan na umano ng pamahalaan. Mula sa naunang 18 million low-income families ay nagdagdag pa ang pamahalaan ng 5 million families na bibigyan ng ayuda.

Loading…