Ilang eskuwelahan posibleng malugi, mga guro nanganganib mawalan ng trabaho

Imahe mula sa Unsplash
  • Nanganganib na mawalan ng trabaho ang ilang mga guro bilang resulta ng COVID-19
  • May mga pribadong paaralan na magsasara muna dahil base sa kanilang pagtatanong ay maraming mga magulang ang nagdesisyon na huwag munang i-enrol ang mga anak
  • Dahil dito ay apektado rin ang maraming guro

Nanganganib na mawalan ng hanapbuhay ang ilang mga guro dahil sa sitwasyon ngayon ng bansa sa ilalim ng COVID-19.

Imahe mula sa DepEd

Ayon sa ulat ng GMA News, may mga pribadong eskwelahan nang magsasara muna dahil base sa pakikipag-usap nila sa mga magulang ay maaaring hindi muna nila ie-enrol ang kanilang mga anak.

“Ako nakapagdesisyon na ako na hindi na muna ako mag-open ng klase ngayon. Hindi ko alam sa mga susunod na year magbubukas pa ako kasi sa tingin ko malulugi kami,” ani Belen Freo, may-ari ng isang paaralan na may 300 estudyante mula Kinder hanggang Grade 10.

Dahil dito ay 18 na mga gurong nagtatrabaho roon ang apektado. “Ngayon, wala rin akong maibigay sa kanila na assurance kung kailan ako magbubukas o hindi na ako magbubukas kasi kung walang estudyante saan ako kukuha ng pambayad sa kanila?” sabi pa ni Freo.

Imahe mula sa Unsplash

Sa parehong panayam ay sinabi ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) Managing Director Atty. Joseph Noel Estrada na dahil maraming nawalan ng trabaho, malaki ang posibilidad na kung hindi hihinto ay lilipat na sa pampublikong paaralan ang mga galing sa private schools.

Ayon sa COCOPEA ay may 263,000 private teachers sa elementary at high school habang 77,000 naman ang mayroon sa college.

Una nang sinabi ni Pang. Rodrigo Duterte na habang wala pang nagagawang bakuna para sa COVID-19 ay hindi muna siya papayag na magkaroon ng face to face classes ang mga estudyante.

“I will not allow the opening of classes na magdikit-dikit ang mga bata. Bahala na hindi makatapos,” ani Duterte. “Unless I am sure that they are really safe…It’s useless to be talking about opening of classes. Para sa akin bakuna muna. ‘Pag nandiyan ang bakuna, okay na.”

Loading…