Ilang mga units at subsidiaries ng ABS-CBN, maaari pa ring mag-operate

  • May ilang units at subsidiaries ang ABS–CBN Kapamilya Network na maaari pa ring umere
  • Hindi kasi ito sakop ng cease and desist order na inilabas ng NTC laban sa tv network
  • Ito ay ang ANC, mga online o social media platforms, video streaming service app na “iWant”, at Star Cinema

Halo–halo ang naging reaksyon, komento, at pananaw ng mga tao hinggil sa utos ng National Telecommunications Commission o NTC na ipahinto ang broadcasting ng ABS–CBN Kapamilya Network, sa kapangyarihan ng “cease and desist order,”  dahil sa pagkapaso ng prangkisa nito, na nakabinbin pa rin ang pagdinig sa Kongreso.

Sa kabila ng utos ng NTC na itigil ang broadcast operations ng ABS-CBN Corporation sa lahat ng kanilang mga regional stations, maaari pa rin namang umere at magpatuloy ang ilang mga units at subsidiaries nito na hindi kinakailangan ng congressional franchise.

Public Domain Image

Maaari pa ring makasagap ng maiinit na balita sa ABS–CBN News Channel o ANC, dahil ito ay mapapanood sa Cable TV, pagkat hindi saklaw ng order ang cable news channels, ayon kay NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios sa kaniyang panayam sa DZMM noong Martes, Mayo 5, 2020, bago tuluyang magsara ang Kapamilya Network.

Dahil patok ngayon ang mga online pages, maaari pa ring mag–subscribe o mag–follow sa mga opisyal na social media platforms nito tulad ng YouTube channels, Facebook, Twitter, at Instagram accounts. Ang mga nilalaman o content na maaaring mapanood dito ay balita, entertainment, at sports.

Sa kanilang YouTube channel, may mahigit 26 million subscribers ang kanilang ABS-CBN Entertainment channel  habang ang ABS-CBN News  naman sa Facebook ay may lagpas 19 million followers. Hindi rin dapat kaligtaan ang video streaming service app na “iWant”.

Maaaring mapanood at balikan sa app na ito ang mga paboritong tv shows tulad ng FPJ’s Ang Probinsyano, Maalaala Mo Kaya, TV Patrol, Bandila, at iba pang mga piling shows ng ANC at ABS-CBN Sports + Action.

Hindi rin apektado nito ang “Star Cinema” na kilala sa masigla at aktibong paggawa ng mga pelikulang nagmarka ang mga karakter sa publiko at patuloy na kinakikiligan, tulad na lamang ng “One More Chance” at “Second Chance” nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo, na kamakailan lamang ay muling pinag–usapan dahil sa kanilang video call sa Instagram.

Public Domain Image

Marami sa mga masugid na tagahanga, tagasubaybay, at tagatangkilik ng Kapamilya Network ang patuloy na umaasam at nananalangin na sana ay maging maayos na ang lahat para sa pinakamalaki at pinakamalawak na tv network sa bansa.

Loading…