Ilang residente mula sa Muntilunpa City, nagtipon at nag-protesta dahil hindi pa raw nakatatanggap ng cash aid

  • Sumugod na sa city hall ang ilang residente sa Muntinlupa na wala pang natatanggap na cash subsidy mula sa SAP
  • Kahit nasa listahan kasi ng mga kwalipikado, wala pa rin umanong natatanggap ang karamihan sa mga residente
  • Giit naman ng Muntinlupa LGU, ang DSWD ang hindi pa nagbibigay sa kanila ng pondo para sa subsidiya

Maraming Pilipino ang umaasa sa perang ayuda mula sa social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang kaso, hindi naman lahat ay naaprubahan at hindi lahat ay naabot ng ayudang ito ng pamahalaan.

Dahil dito, maraming mga residente mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas ang may hinaing tungkol sa diumano’y hindi makatarungang pamamahagi ng ayuda. Kabilang sa mga ito ay ang ilang mamamayan mula sa Muntinlupa City.

Larawan mula sa video ng GMA News

Nagtipon-tipon ang ilang residenteng hindi pa umano nakatatanggap ng cash aid mula sa SAP. Nagprotesta sila sa harap ng Muntinlupa City hall upang doon idulog ang kanilang pagkadismaya sa hindi nila pagkakasali sa cash subsidy para sa mahihirap.

Emosyonal na nga ang marami sa kanila dahil marami na raw sa kanila ang hindi nakatatanggap ng tulong at hindi na rin nakakakain sa tamang oras. Pahayag pa ng isang lalaking dumalo sa protesta, huwag na raw nilang hintaying gumawa pa ang mga tao nang hindi mabuti para lang may maipakain sa kanilang pamilya.

Kabilang din sa dumulog sa city hall ang isang single parent na may anim na anak na hindi raw nakatanggap ng subsidiya mula sa LGU. Giit niya, hindi naman niya gustong mangalampag ngunit nagbakasakali na siya para sa mga anak niyang wala na raw makain.

Hindi rin nagpapigil ang isang 70-anyos na lolo sa paglahok sa protesta. Paliwanag ng matanda, mayroon daw siyang mga kakilala na nabigyan na ng ayuda, samantalang siya na senior citizen ay wala pa.

Larawan mula sa video ng GMA News

Maliban sa mga sumugod sa city hall, marami rin ang nagrereklamo sa barangay. Ayon sa kanila, kahit nasa listahan sila ng mga makatatanggap ng ayuda, wala pa silang natatanggap hanggang sa ngayon. Pinapaasa lang daw nila ang mga tao.

Paliwanag naman ng Muntinlupa LGU, hindi raw talaga sapat ang ibinigay na pondo sa kanila ng DSWD kaya marami pa ang hindi nakakukuha ng ayuda. Nasa 95 percent na rin daw ng kanilang mga residente ang nabigyan na ng ayuda.

Panoorin ang ulat ng GMA News tungkol sa reklamo ng mga taga-Muntinlupa:

Source :

YouTube, GMA News

Loading…