Ilang residente sa Navotas na nakatira sa ilalim ng tulay, walang kahit anumang ayudang natanggap simula ng ECQ

  • Hindi pa raw naaabot ng ayuda ang ilang residente sa ilalim ng tulay sa Navotas City
  • Umaasa lang daw sila sa bigay ng mga nagdaraang motorista nang magsimula ang ECQ
  • Ayon naman sa LGU ng Navotas, maaari daw na hindi alam ng barangay na may mga residente sa ilalim ng tulay

Utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local government units (LGUs) nang magsimula ang enhanced community quarantine (ECQ) sa ilang bahagi ng bansa, lahat ay dapat makatanggap ng ayuda upang maiwasan ang paglabas-labas. Ngunit ang malungk0t na katotohanan, may mga kababayan tayong hindi man lang umano nadaanan ng anumang tulong.

Ganito ang laman ng Facebook post ng Kapuso journalist na si Bernadette Reyes. Nakapanayam niya ang ilang pamilya sa Navotas na nakatira sa ilalim ng tulay ng hindi pa raw nabibigyan ng kahit anong ayuda. Dalawang buwan nang mahigit ang ECQ ngunit wala pa ring tulong sa mga pamilya roon.

Larawan mula sa Facebook post ni Bernadette Reyes

Ayon sa mga batang nakapanayam ni Reyes, umaasa lang daw sila sa mga nagdaraang motorista na nag-aabot sa kanila ng pagkain. Ito na lang daw ang kanilang nagsisilbing pangtawid sa kalam ng sikmura at pinagkakasya sa maghapon.

“Pamilya ng mga kabataang nakatira sa ilalim ng tulay sa Navotas, hindi raw naabutan ng tulong mula ng mag simula ang ECQ dalawang buwan na ang nakalipas. Pagkain mula sa mga nagdaraang motorista ang inaasahan nilang pantawid-gut0m araw-araw,” pahayag ni Reyes sa kanyang post.

Naiparating naman sa lokal na pamahalaan ng lungsod ang kuwento ng mga pamilya sa ilalim ng tulay. Ayon sa post ni Reyes, inihayag daw ng LGU ng Navotas na maaaring hindi raw batid ng mga taga-barangay na may mga residente sa ilalim ng tulay kaya hindi naabot ng tulong.

“Ayon sa lokal na pamahalaan, maaaring hindi alam ng mga barangay officials na may mga pamilyang naninirahan doon kaya hindi naabot ng tulong,” pagpapatuloy ng post ni Reyes.

Larawan mula sa Facebook post ni Bernadette Reyes

Pumalag naman ang ilang netizens sa pahayag na ito. Ayon sa kanila, imposibleng hindi ito alam ng barangay officials. Kapag daw kasi eleksiyon, nasusuyod ng mga kandidato ang kasulok-sulukan ng kanilang nasasakupan kaya alam daw talaga nito na may nakatira maging sa mga ilalim ng tulay.

Umaasa naman ang mga residente sa ilalim ng tulay na makatatanggap na sila ngayon ng tulong mula sa lokal na pamahalaan ngayong naibulgar na ang kanilang kalunos-lunos na sitwasyon.

Loading…