Implementasyon ng Free Wi-Fi for All Law sa mga public schools pinaiimbestigahan sa Senado

  • Pinaiimbestigahan ni Sen. Win Gatchalian ang implementasyon ng Free Wi-Fi for All law
  • Sabi ng senador, napakarami pang paaralan ang walang access sa internet
  • 48% lang o 22,645 out of 47,013 public schools ang may internet connectivity

Naghain ng isang resolusyon si Senator Sherwin Gatchalian upang imbestigahan ang implementasyon ng Free Wi-Fi for All Law dahil marami pa umanong pampublikong paaralan ang walang internet connection.

Screenshot mula sa GMA video

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 392, pinaiimbestigahan ng senador ang pagpapatupad ng Republic Act No. 10929 or Free Internet Access in Public Places Act sa mga elementary at secondary public schools, Alternative Learning System centers, State Universities and Colleges, Technical Education and Skills Development Authority technology institutions at iba pang community learning centers.

Ayon kay Senator Gatchalian, ang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, hindi nakuha ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang target nito.

Ang DICT ang lead agency sa pagpapatupad ng nasabing batas.

Noong 2018, sinabi ng DICT na target nitong magdagdag ng 5,308 free Wi-Fi hotspots sa 1,500 cities, subalit nitong April 13, 2020 ay 3,707 live sites lang ang na-install ng ahensya. Matatandaang inilunsad ng DICT ang Pipol Konek Project upang matiyak ang internet accessibility para sa publiko.

Imahe mula sa UNTV

“Mahalaga ang papel ng Free Wi-Fi for All lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan inihahanda natin ang mga paaralan sampu ng mga estudyante at guro pati na lahat ng kawani ng sektor ng edukasyon pagdating ng pasukan,” ani Sen. Gatchalian.

“Importanteng natutugunan ng gobyerno ang mga pangangailangang ito upang magpatuloy ang pag-aaral ng mga bata lalo na’t hinihikayat na ang online learning sa pagsabak natin sa tinatawag na new normal,” dagdag pa niya.

Imahe mula sa freewififorall.gov

Ang online o distance learning ay isinusulong ng Department of Education (DepEd) upang masiguro ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral sa COVID-19., subalit may mga guro na nagpahayag ng agam-agam sa programa dahil maraming pampublikong paaralan ang walang internet connection.

Isiniwalat ni DepEd Undersecretary for Administration Alain Pascua na 48% o 22,645 out of 47,013 public schools lang ang may internet connectivity. Nasa 16.7 million ang bilang ng mga estudyanteng sa mga paaralang walang internet.

Loading…