Implementasyon ng mga restriksyon sa ilalim ng GCQ isang malaking hamon – JTF COVID Shield commander

  • Inamin ni JTF COVID Shield Commander na si P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar na malaking hamon sa kanila ang pagpapatupad ng mga restriksyon kapag inalis na ang ECQ sa Metro Manila
  • Mas maraming tao na raw kasi ang papayagang makalabas ng mga tahanan
  • Magdudulot ng matinding trapiko kung imo-monitor ang lahat ng mga sasakyan at pasahero sa mga checkpoints

Inamin ni P/Lt. General Guillermo Eleazar, ang commander ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield, na magiging isang malaking hamon sa mga kapulisan ang pagpapatupad ng mga patakaran at restriksyon sa mga lugar na isasailalim sa general community quarantine (GCQ) kung sakaling alisin na ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Imahe mula sa NCRPO PIO

Sa isinagawang Laging Handa press briefing noong Sabado, ika-9 ng Mayo, sinabi ni Eleazar na mas mahihirapan sila sa isinasagawang pagmo-monitor dahil mas maraming tao na ang papayagang makalabas ng kanilang mga tahanan at papayagan na ang operasyon ng mga pampublikong sasakyan.

Binanggit niya na posibleng magdulot ng matinding trapiko kung mahigpit nilang ipatutupad ang pagmo-monitor sa lahat ng mga sasakyan at mga pasahero nito na daraan sa mga checkpoints.

Isang malaking challenge sa atin, itong GCQ, dahil alam naman natin na ECQ compared with GCQ mas marami po ang APOR, or authorized persons outside residence dito sa GCQ. Imagine po natin kung magsasagawa po tayo ng istriktong pagsasagawa ng checkpoint diyan sa GCQ area, then we will defeat the purpose of partially opening our economic activity dahil talagang sobrang traffic niyan,” paliwanag ni Eleazar.

Imahe mula sa Topgear Philippines

Upang matiyak na maipatutupad pa rin nila ang batas, sinabi ni Eleazar na dadagdagan nila ang police visibility at pagpapatrulya sa mga establisimyentong pinayagang magbukas upang tingnan kung nasusunod ang mga inilatag na mga patakaran tulad ng social distancing at pagsusuot ng face mask.

Umaasa si Elezar sa kooperasyon ng mga mamamayan lalo na’t naranasan na ng lahat ang hirap sa ilalim ng ECQ.

Imahe mula sa Philippine News

“Nasaksihan naman ng ating mga kababayan for the past 46 days ang ating paghihirap at sakripisyo ng lahat kung kaya’t sa tingin ko e mas naisip na nila na dapat talaga mag-cooperate para makuha natin itong objective ng ating quarantine na na-extend hanggang May 15,” aniya.

Sa kasalukuyan ay wala pang desisyon ang pamahalaan kung maililipat na sa GCQ ang Metro Manila pagkatapos ng May 15.

Loading…