Instant Lechon! Nakatuhog na manok na kusang naihaw dahil sa labis na init ng panahon, kinaaliwan

  • Kinatuwaan ng mga netizens ang nakatuhog na manok na naihaw sa labis na init ng panahon
  • Makikitang inilagay lamang sa ilalim ng yero ng bubong ng bahay ang manok na naging lechon
  • Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens

Isa sa mga paboritong pagkain ng mga Pilipino ang “inihaw”. Ito ay proseso ng pagluluto ng pagkain sa pamamagitan ng nagbabagang uling. Ilan sa mga pagkaing maaaring ihawin ang karne ng baboy na tinatawag na barbecue o kaya naman ay lechon kapag buo, inihaw na lamanloob, inihaw na isda, inihaw na pusit, at inihaw na manok.

Subalit sa labis na init ng panahon ngayon, tila hindi maganda sa pakiramdam kung isasabay pa rito ang pagluluto ng inihaw. Kaya naman, kinatuwaan ng mga netizens ang dalawang larawang kumakalat sa mga social media platforms kung saan ginawang panluto ng inihaw na manok ang init na nagmumula sa yero ng bubong ng bahay. May instant “galvanized lechong manok” na!

Imahe mula sa Facebook /Public Domain Image

Kinaaliwan naman ito ng mga netizens at nagbigay sila ng mga komento hinggil dito.

“Grabe naman, pero sabagay, ganiyan kainit ngayon, makakaluto na yata ng itlog o makakapag-ihaw na rin hahaha, mas tipid sa uling,” pabirong turan ng isa.

Sabi naman ng isa, “Ganiyan katindi ang init sa Pinas ngayon! Pati sa mga bentilador at aircon, akala mo nagbubuga ng apoy. Mainit din ang lumalabas na buga kasi mainit din nasa paligid eh. Iba na talaga ang panahon ngayon.”

Bulalas naman ng isa, “Luto na ang manok sa sobrang init ng araw, para kang nasa loob ng oven, okay ‘yan ah!”

Sa Pilipinas, kilala ang Bacolod City sa paggawa ng “inasal” o inihaw na manok na may resipi mula sa Visayas. Sa katunayan, taon–taon ay nagsasagawa sila ng Bacolod Chicken Inasal Festival kung saan nag–iihaw sila ng libo–libong inasal sa kalye at pinakakain ito nang libre sa mga residente at turistang makikilahok doon.

Public Domain Image

Loading…